GUMAGANTI SA ATIN ANG TAIWAN!

APLIKANTE PO AKO para sa trabaho sa Taiwan. Nabasa ko po na mukhang nagkakahigpitan sa screening ng mga aplikante mula sa ‘Pinas patungong Taiwan. Ganti raw ito ng pamahalaang Taiwanese sa ginawa nating pagpapa-deport sa mainland sa mga Tsinong nadakip dito sa bansa. May ginagawa po ba ang pamahalaan tungkol sa bagay na ito?

—Estelita ng Cagayan de Oro

TOTOO NA MAY gusot ngayon sa relasyon ng Pilipinas at Taiwan. Dati-rati, ang screening ng mga aplikante papuntang Taiwan ay 12 araw lang. Ngayon, balak gawin ng Taiwan na apat na buwan na ang screening. Ito ay malinaw na pagganti ng Taiwan sa isinagawang deportation ng mga Intsik na sangkot sa human trafficking at smuggling na nasabat ng ating pamahalaan. Nagalit ang Taiwan dahil sa halip na sa Taiwan i-deport ang mga ito, ang mga suspek ay pinadeport sa Peoples Republic of China na karibal ng Taiwan. Dahil dito, malamang maipit sa gitna ang mga OFW. Masalimuot ang isyung ito.

Una, sa paningin ng ating Department of Justice, tunay namang nagkasala ang nasabing 14 na Chinese nationals. Ang mga ito ay may warrant of arrest mula sa China at may mga record sa interpol. Kayat marapat lamang na ipa-deport ang mga ito.

Pangalawa, sa mainland China ibinalik ang mga ito at hindi sa Taiwan sapagkat ang diplomatic relation natin ay sa mainland China at kinikilala natin ang Taiwan bilang probinsya lamang ng mainland China. Idagdag pa rito ang kasunduan natin sa mainland China tungkol sa mga criminal activities ng mga taong paroo’t parito sa dalawang bansa.

Pangatlo, ang Taiwan at mainland China ay may mga kasunduan tungkol sa mga offenders tulad nito. Kaya’t kung may aayusin mang problema, ang dapat mag-ayos ay silang dalawa at walang pakialam ang Pilipinas.

Ang pagganti at pananakot ng Taiwan na iipitin nila ang ating mga kababayan ay dapat talagang seryosohin ng ating pamahalaan. Pero hindi naman tayo dapat laging nagpapatakot sa mga babala ng ibang bansa. Sa isyung ito, malinaw na nasa katwiran ang Pilipinas at hindi natin dapat isuko ang ating pambansang karapatan dahil lamang nagbabanta ang ibang bansa na ‘di na sila kukuha ng mga manggagawa sa Pilipinas. Kadalasan, hanggang pananakot lang ang mga ito dahil ‘di naman makatiis ang mga bansang ito na kumuha ng mga kailangan nilang contract worker mula sa Pilipinas.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.