Graduating Student, Pisak ang Ulo sa Truck

PATAY ANG isang 4th year Engineering student ng Technological Institute of the Philippines (TIP) nang mabundol at masagasaan ng isang delivery truck sa may kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City.

Sinabi ni PO3 Renato Sunga na namatay ang biktimang si Ariel delos Santos, 22, binata, working student, ng Pook Pag-asa, Batasan Hills, matapos na magtamo ito ng labis na pinsala sa kanyang ulo.

Kasalukuyang hawak naman ng Quezon City Police District Traffic Sector 3 ang driver ng truck na si Edmar Luna, 34, ng Gen. Luis St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches na dinakip makaraan  ang insidente.

Base sa pagsisiyasat ni Sunga, naganap ang insidente sa may kahabaan ng Katipunan Avenue, harap ng Miriam College, Brgy. Loyola Heights, ganap na alas-9 ng gabi kamakailan.

Bago ang aksidente, minamaneho ng biktima ang kanyang Rusi 110 motorcycle (3138-QW) at tinatahak ang loob ng motorcycle lane patungong north direction nang biglang mabundol ng truck ni Luna.

Ang naturang truck ay naglalaman ng mga pirasong karton galing Taguig na dadalhin sana sa Novaliches.

Ayon kay Sunga, sa lakas ng pagkakabangga ay sumadsad sa kalsada ang motorsiklo kasama ang biktima, saka muling nasagasaan ng truck ang ulo nito sanhi ng agad na kamatayan ng biktima sa kabila na may suot itong helmet.

Katwiran naman ng salarin, bigla na lamang umanong sumulpot sa harapan niya ang motorsiklo kung kaya nabundol niya ang estudyante.

Sinasabing may iniwasan umanong sasakyang nakaparada sa lugar si Delos Santos kung kaya bahagyang napaiwas ito at nabundol ng truck.

Samantala, sinabi ng driver na dahil malinaw na nasa motorcycle lane ang biktima at sa pangyayaring nabundol niya ito ay nahaharap pa rin siya sa kasong Reckless Imprudence resulting to Homicide.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.