Shooting Range: Government official, nagwala at nambastos ng ground stewardess!

ANG KATUMBAS NG ranggong Admiral ng Philippine Coast Guard sa Armed Forces of the Philippines ay Major General (2 star). Ang ranggong ito ay maituturing na isang top brass.

Si Admiral Edmund Tan, isa sa mga top brass ng PCG ay inireklamo sa WANTED SA RADYO kamakailan ng isang airline crew.

Ayon kay Kharen Solas, ground stewardess ng Cebu Pacific, noong March 22, bandang 3 P.M., dumating sa counter ng Cebu Pacific sa NAIA Terminal 3 ang isang Aries Montaño na nagpakilalang body guard ni Tan. Gustong i-check-in ni Montaño ang booking ng kanyang amo para sa flight patungong Puerto Princesa City.

Ipinakita ni Montaño ang identification ng kanyang amo kay Solas sabay sabing maaatraso lang daw sandali si Admiral.

Ipinaliwanag ni Solas sa bodyguard ang patakaran ng airline na kailangan ang mismong pasahero ang magpakita sa check-in counter at sa kanya lamang maaaring ibigay ang boarding pass. Ano mang klase ang pagpupumilit ni Montaño, nanindigan si Solas kaya walang nagawa ang bodyguard ni Tan.

Nang manawagan na ang airline sa mga pasahero para sa boarding ng nasabing flight, hindi pa rin dumarating si Tan. Nang ihinto na ang panawagan para sa boarding at isinara na ang pinto ng eroplano, pinunit ni Solas ang boarding pass ni Tan alinsunod na rin sa patakaran ng airline.

Ngunit tiyempo naman ang pagdating ni Tan. Nanggalaiti ang Admiral at tinapik ang flight controller na si Cherryl Alcantara at sinabihan ito na kailangan siyang pasakayin at nagbitaw pa ng salitang “hindi mo ba ako kilala?”

Ipinaliwanag ni Alcantara na hindi na talaga puwede. Sa puntong iyon umusok sa galit si Admiral at sumampa ito sa conveyor ng check-in counter hanggang sa makapasok sa puwesto ni Solas. Pinagmumura ni Admiral si Solas at hinagisan ng mga papel ang mukha nito.

Dahil sa maagap na pagdating ng guwardiya at ng iba pang mga kasamahang lalaki ni Solas na umawat kay Tan, hindi nasapok si Solas ng nanggagaliting Admiral. Binantaan ni Admiral si Solas na aabangan niya ito sa labas.

Kung totoo ang sumbong ni Solas sa WSR, ang ginawa ni Admiral Tan ay Conduct Unbecoming an Officer and Gentleman, isang paglabag bilang member of the honorable profession of arms. Kung miyembro lamang ng AFP itong si Tan maaari na siyang ma-court martial.

Tinawagan ko si Tan sa kanyang cellphone para kunan ng pahayag. Nakausap ko siya off-air. Umuusok pa rin sa galit si Tan at pasigaw na sinabihan akong nais niyang muling makaharap nang one-on-one si Solas. At saka pa lamang siyang lumamig nang gumanti rin ako ng mga sigaw.

Tumanggi si Tan na magbigay ng kanyang pahayag on-air kasabay ng pagtanggi niya sa sumbong ni Solas.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng DOTC ang kasong ito. Ang PCG ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOTC.

Para sa mga sumbong mag-text sa 0917-7-962833. Ang WSR Action Center ay matatagpuan sa 4th Floor Guadalupe Commercial Complex, Guadalupe, Makati City at mapapakinggan sa 558 khz DZXL.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

2 thoughts on “Shooting Range: Government official, nagwala at nambastos ng ground stewardess!

Leave a Reply

Your email address will not be published.