Gov’t Employee sa Cagayan, Pinugutan ng Ulo

TUGUEGARAO CITY – KA-RUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang kawani ng pamahalaang lokal ng Iguig, Cagayan matapos pugutan ng ulo sa Brgy. Santiago sa nabanggit na bayan.

Naiuwi na ang katawan ng biktimang si Estelito Padilla ng nasabing lugar ngunit hanggang sa ngayon ay patuloy na hinahanap ng mga kinauukulan ang ulo nito.

Ayon sa maybahay ni Estelito na si Leonita, saka lamang nila nalaman ang sinapit ng biktima noong pinuntahan siya ng sundalong anak na si Sgt. Ceasar Padilla sa binabantayang dam.

Nagulat na lamang umano ang kanyang anak noong makita na nakahandusay ang ama at wala nang ulo sa tinutuluyan nitong kubo. Posible umanong pinugutan ang biktima gamit ang isang itak.

Napag-alaman na matagal na umanong caretaker ng dam sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Santiago si Padilla matapos italaga ni Iguig Vice Mayor Ferdinand Trininad noong 1995.

Gaya ng pulisya, blangko rin ang pamilya Padilla sa motibo ng pagpugot sa ulo ni Estelito ngunit may hinala ang pamilya na kagagawan ito ng pinaghihinalaan nilang responsable sa sunud-sunod na pagkawala ng kanilang mga alagang kambing.

Sa ngayon ay nagpapa-tuloy ang masusing pagsisiyasat ng mga awtoridad sa nasabing krimen. (Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.