GORGY’S PARK: Lorna T. celebrates Daboy’s birthday

Parazzi Chikka
by Gorgy Rula

SINILEBREYT PA RIN ni Lorna Tolentino ang kaarawan ni Rudy Fernandez nu’ng nakaraang Martes (March 3) kasama ang kanilang anak na sina Ralph at Renz, mga malalapit na kamag-anak at mga kaibigan.

Kung buhay pa si Daboy, dapat ay 57 years old na siya pero tuloy pa rin ang birthday celebration para kay LT at sa mga malalapit na kaibigan kaya lang siya na ang binabati ng “Happy Birthday” at binibigyan pa ng birthday gift.

Nu’ng Martes ng hapon, nagkaroon ng misa sa puntod ni Daboy sa Heritage Memorial Park, saan malapit nang matapos ang musoleo na ipinatatayo ni LT.

Kinagabihan, nagkaroon ng konting salu-salo sa Artiaga house ni Sen. Jinggoy Estrada, dahil iyon daw ang paboritong lugar na nagpa-party ni Daboy.

Gusto sana ni LT na gawin sa tahanan nila sa White Plains pero si Sen. Jinggoy ang nagpilit na roon sa Artiaga, San Juan gawin dahil doon na raw sila magpa-party taun-taon.

Nang nakausap namin si LT, aminado itong malungkot pa rin siya pero nakakalimutan daw niya ito kapag ganu’ng maraming mga kaibigan ang nagdadatingan. Ang pinakamalungkot daw na bahagi ng pagluluksa niya ay kapag nag-iisa na ito sa bahay nila, lalo na sa kuwarto nila ni Daboy, dahil nandu’n pa rin ang mga gamit ng nasirang asawa at hindi pa niya ito nagagalaw.

Maaring mailigpit daw niya ito kapag natuloy ang balak nitong paglipat ng bahay dahil nasa plano na nito ang magpatayo ng bahay para sa kanilang mag-anak at ipapaupa raw ang bahay nila sa White Plains.

Nandiyan na raw kay LT ngayon ang acceptance na wala na nga si Daboy at hindi na ito babalik sa kanya kaya minsan, napag-uusapan ang posibilidad na magkaroon siya ng panibagong relasyon.

Ikinuwento ni Amy Austria na meron na raw ngayong umaali-aligid kay LT at nagtatanong kung puwede na raw ba itong tumanggap ng ligaw pagkatapos niyang magbabang-luksa.

Kapag nasa isang party raw sila, meron na raw lumalapit na hindi taga-showbiz at ang iba, nagbibigay ng drink o ‘di kaya nakabakod na kay LT na ikinaloka na lang ng aktres.

“Wala pa sa isip ko iyan! Pero parang ang haba nga ng hair ko dahil sinasabi nila sa akin na meron na raw nagtatanong. Ewan ko kungtotoo ‘yun o pinapalakas lang nila ang loob ko,” natatawang pahayag ng aktres.

“Although masarap din naman, eventually siguro I will need somebody to take care of me aside from my children, pero hindi ko pa iniisip ‘yun. Pero hindi naman ako nakasara sa part na ‘yun, kasi kung ano ang ibibigay sa akin, palagay ko nasa Diyos na ‘yun. Bigla na lang akong humihindi, tumatanggi ako ngayon, tapos mamaya biglang meron naman pala.
“Like Amy (Austria), she’s happy now, her second life without Jay (Ilagan), so ayoko rin namang isara na,” makahulugang pahayag ni Lorna.

Kung sakaling magkaroon man daw siya ng panibagong relasyon, sana gaya raw ng nangyari kay Amy na talagang minahal siya nang husto ng pangalawang asawa, pati na rin ang kanyang anak.

Pero sa mga may balak na ligawan si LT, mukhang mahihirapan dahil tiyak na dadaan ito sa mga malalapit na kaibigan ni Daboy.

Nandiyan sina Sen. Bong at Jinggoy na nakabantay, pati na sina Phillip Salvador, Tirso Cruz III, Christopher de Leon at marami pang nakabakod at patuloy na nag-aalaga kay LT.

Ang isa pang hindi pa tanggap ang kung sino mang may balak na manligaw kay LT ay si Mark Anthony Fernandez.

“Hindi ako masyadong boto diyan! It’s too early pa talaga, kasi alam n’yo hanggang sa huling sandali, nagliligawan pa si Papa at Tita Lorna. Kumbaga, fan ako ng loveteam nila.

“Basta pahihirapan ko muna ‘yung manliligaw sa iyo, Tita Lorna! Kikilatisin namin nina Tito Jinggoy at Tito Bong, lahat kami. Magiging ano ito, one hell of a ride!” Diretsahang pahayag ni Mark Anthony.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.