GMA-7, happy sa pagbabalik nina Noli de Castro at Korina Sanchez

BALIK TV PATROL sina Noli de Castro at Korina Sanchez.

May confidential research na ginawa ang FDG o Focus Discussion Group ukol sa pagbabalik nilang dalawa sa balitaan.

Malungkot na balita, bagsak ang credibility ni Noli.

Ayon sa mga naging findings, hindi naalis ang stigma kay Noli bilang kunsintidor sa mga ginawang kabulastugan ng Arroyo administration.

Matagal nang gustong bumalik nina Noli at Korina sa TV Patrol pero ayaw pumayag ni Maria Ressa, dating head ng News and Current Affairs ng ABS-CBN.

Ito marahil ang dahilan ng biglaang pagre-resign ni Maria.

Maraming isyu pa ang parating laban kay Noli na posibleng ikasira pa ng kanyang kredibilidad sa balitaan.

Halimbawa’y ang pagkakakopo ng Globe Asiatique sa P7-billion housing loan sa panahong si Noli ang boss ng Pag-ibig at HUDCC.

Plunder ang kasong posibleng kaharapin ni Noli. Paano ilalabas sa TV Patrol ang ganitong balita kung ang news reader na kanilang ipinagmamalaki ang mismong laman ng balita?

SA BAHAGI NI Korina, medyo tolerable ang isyu.

Ang pagiging misis lang niya ni Mar Roxas ang naibabatong isyu sa ngayon.

Habang wala pang posisyon sa gobyerno si Mar, ligtas pa sa mata ng publiko si Korina.

Malaki ang magiging bagahe niya kung tuluyan nang magiging DTI Secretary or Executive Secretary si Mar pagkatapos ng May 2011.

Paano babasahin ni Ate Korina ang mga balita sa teleprompter ng TV Patrol kung ang magiging laman ng balita ay isyu laban kay Mar?

ANG BALITA NATIN, natutuwa ang GMA-7 sa naging desisyon na ibalik sina Noli at Korina.

Alam nila ang slogan ngayon ng TV Patrol: may kinikilingan, may pinuprotektahan at hindi serbisyong totoo lang.

Ang isyu laban kina Noli at Korina ay nakatutok, beinte kuwatro oras!

FREEZE HIRING MUNA ang gobyerno sa susunod na taon.

Ang sobra-sobrang empleyado ang dahilan kung bakit bloated o namamaga ang pondo na ginagastos para lamang sa pasuweldo.

Political accommodation ang tunay na sanhi kung bakit sandamakmak ang mga kawani sa mga ahensiya.

Hindi lang ito sa national government. Kung bubusisiin lamang ang mga payroll ng local government, matutuklasan n’yo ang ga-bundok na JO o job orders.

Dito ipinapasok ng mga alkalde ang lahat ng kanilang mga grassroot political leaders.

Karaniwan, ang JO ay sumasahod ng anim na libong piso kada buwan.

Ang trabaho ng JO ay itsutsu kay Mayor kung sino ang mga kumakampi kay Vice Mayor at kung anu-ano ang plano ng mga gustong tumakbo sa pagkaalkalde na kakalaban sa kanila.

Kasama na rin sa kanilang job descriptions ang pagpalakpak sa mga programs na dinadaluhan ni Mayor.

Sa JO rin ipinapasok ni Mayor ang suweldo ng kanilang mga housemaids, drivers, kamag-anak at kung sinu-sino pang tsimoy.

Pero may mga alkalde ring salbahe, naglalagay sila ng mga pangalan, pero hindi totoong tao o kaya naman, bibigyan nila ng isang libong piso isang buwan na allowance kunwari ang JO, pero sila ang kukubra.

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.