Glue, Ginamit sa Pagtangay ng ATM Card

KULONG ANG isang lalaki matapos lagyan ng glue ang mga pindutan ng Automated Teller Machine upang makapagnakaw ng ATM card sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Access Devices Regulation Act 1998, illegal possession of deadly weapon at paglabag sa Omnibus Election Code si Aron Conular, 44 ng lungsod.

Sa pahayag ng biktimang si Vernadette Ramos, 24, dakong alas-9:10 ng gabi, magwi-withdraw siya sa ATM ng Metrobank sa J. P. Rizal St., San Agustin nang malaman na hindi gumagana ang ilang pindutan ng makina.

Lumapit ang suspek sa biktima at pinayuhan na puntahan ang sekyu ng nasabing bangko upang malaman ang pangyayari na ginawa naman ng dalaga.

Makalipas ang ilang sandali ay bumalik sa makina ang biktima at naabutan na hinuhugot na ng suspek ang card na naging dahilan upang hingin ng dalaga.

Sa halip na ibigay ay umalis at sumakay ng jeep ang suspek subalit may dalang motorsiklo ang biktima at sinundan ang suspek.

Nang makita ng suspek na nakabuntot ang biktima ay bumaba ang una at sa tricycle naman sumakay subalit hindi bumitiw ang dalaga hanggang sa makasalubong ng mga nagpapatrolyang mga pulis.

Iniradyo ng mga rumespondeng mga pulis ang tricycle na naharang na naging dahilan upang madakip.

Nabawi ang ATM card ng biktima at nakuhanan pa ng patalim ang suspek, maging ang ginamit na glue upang hindi mapindot ang ilang button ng machine, na dinala sa presin-to at sinampahan ng mga nasabing kaso.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.