Ginez, Itinangging Pabuya sa Corona Impeachment ang Pagkatalaga Bilang LTFRB Chair

“ITO PO ay hindi reward o pabuya ng ating naging partisipasyon sa naging impeachment ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.”

Ito ang inihayag ni Atty. Winston Ginez matapos italaga ni Pangulong Noynoy Aquino bilang bagong pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Ginez, si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya ang nagrekomenda sa kanya sa Pangulo para maging chairman ng LTFRB kapalit ni Jaime Jacob.

Maaalala na naging prosecutor sa impeachment trial ni Corona si Ginez.

Bukod sa pagiging abogado na naging topnotcher pa sa bar exams, isa ring certified public accountant (CPA) ang bagong LTFRB chairman.

Kahapon, nagsimula nang manungkulan si Ginez. Labis aniya ang kanyang pasasalamat sa bagong posisyon.

Pangako ni bagong LTFRB Chairman Ginez, pag-iibayuhin ang kampanya laban sa mga kolorum na sasakyan alinsunod sa utos ng DOTC secretary.

Handa at buo ang loob ni Ginez para sa bagong posisyon.

Sa isyu naman ng kita, aminado ang bagong LTFRB chairman na mas mababa ang tatanggapin niyang suweldo sa gobyerno. Pero hindi anya ito dahilan para matukso siya sa kurapsyon.

Samantala, may ipon at negosyo naman aniya siya na kayang tustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.