Ginang, Kritikal sa Gilit ng Baklang Holdaper

KRITIKAL ANG kalagayan sa pagamutan ng isang babae makaraan gilitan sa leeg ng isang baklang holdaper matapos na tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang cellphone na pilit na kinukuha ng suspek sa Navotas City kahapon ng umaga.

Ang biktima na naka-confine ngayon sa Navotas Lying-In Clinic sanhi ng malaking sugat sa leeg ay nakilalang si Maria Theresa De Vera, nasa hustong gulang at naninirahan sa Brgy. Tangos ng nabanggit na lungsod.

Samantala, kaagad namang nahuli ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Zaldy Dizon, Jr. alyas “Bakla”, na residente rin ng nasabing barangay.

Ayon sa Navotas Police Station, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang maganap ang holdap sa kahabaan ng M. Fernando Street.

Lumalabas sa imbestigasyon ng nasabing himpilan ng pulisya, inabangan ng suspek ang biktima sa nasabing lugar at nang makita ng huli ang una ay agad na tinutukan ng kitchen knife sa leeg ang biktima at pilit na kinukuha ang Cherry mobile cellphone na nagkakahalaga ng P800.

Tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang cellphone kung kaya’t agad itong ginilitan sa leeg at nakuha ang kanyang pakay at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Ilang nagmamalasakit na residente ang mabilis na nagdala sa biktima sa nasabing klinika at nang magsagawa ang nasabing himpilan ng pulisya ng follow-up operation, agad na naaresto ang nasabing suspek.

(ROMAN MAGPOC)       

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.