Ginang, Ginulpi ng 8 Dalagita

BUGBOG-SARADO ANG inabot ng isang ginang makaraan pagtulungan kuyugin ng walong babaeng kabataan matapos niyang sawayin ang mga ito sa paghaharutan at pagtutulakan nang hindi sinasadyang mabunggo sa isang palengke sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Puno ng kalmot, mga pasa at halos magkandalagas-lagas ang buhok ng biktimang si Maricel Gibuena, 40 anyos, may bahay, at residente ng Sawata St., Caloocan City; samantalang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng hindi pa nakikilalang mga dalagita na gumulpi sa biktima.

Base sa isinagawang imbestigsyon ni PO2 Alejandro Billedo, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police at may hawak ng kaso, dakong alas-5:00 ng hapon nang ang nasabing insidente sa loob ng Sangandaan Market na matatagpuan sa Samson Road, Caloocan City.

Nabatid, habang naglalakad ang biktima sa loob ng nasabing palengke nang makasalubong niya ang walong mga dalagitang suspek. Pilit na iniiwasan ng biktima ang mga dalagita dahil bukod sa naghaharutan ay nagtutulakan pa at nakaharang sa kanyang daraanan.

Umikot ang biktima sa kabilang daanan ngunit nakasalubong na naman niya ang mga suspek kung saan ay isa rito ay tinulak ang isa sa kanilang kasamahan na bumalandra sa biktima dahilan upang mapigtas ang plastic niyang bitbit na may lamang mga bote ng suka’t patis at mabasag ang mga ito.

Nagalit ang biktima at pinagsalitaan ang mga dalagita ng “Ang haharot n’yo kasi, para kayong mga hindi dalaga.”

Nang makatapos sa pamimili ay lumabas na ng palengke ang biktima na lingid sa kanyang kaalaman ay inabangan pala siya ng walong dalagita. Nang makita niya ang mga ito na papalapit ay kunwaring hindi siya pinansin at nang malagpasan na sila ay isa sa mga suspek ang humila ng kanyang buhok, ang iba naman ay pinagsasabunutan siya, tinadyakan at ang iba ang nakikalmot.

Dahilan upang mapahiga ang biktima sa iskinita, hindi pa nakuntento ang mga suspek at itinaas pa ang daster ng biktima dahilan upang lumantad ang panloob na kasuotan nito, saka tumakbong tumakas habang nagtatawanan ang walong dalagita.

Ilang mga dumaraang namamalengke rin ang tumulong at itinayo ang putikang biktima saka sinamahan na rin ang biktima upang ipagamot ang mga kalmot sa mukha nito sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC)at pagkatapos ay inireport sa pulisya ang pangyayari.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

2 thoughts on “Ginang, Ginulpi ng 8 Dalagita

  1. Nakakalungkot naman isipin na may mga kabataan tayong ganito. Mapapaisip ka bakit naging ganon ang mga pag-uugali nila. Walang respeto sa kapwa. Hayyyy.

Leave a Reply

Your email address will not be published.