Ginang, bugbog-sarado sa dating ka-live in at kabit

NAGMISTULANG KULAY-TALONG ANG buong katawan ng isang ginang matapos itong pagtulungang bugbugin ng dating kinakasama at ng kabit nito, nang humingi ng sustento sa apat na anak kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Iika-ika pang tumungo sa tanggapan ng Women’s and Children’s Concerned Desk (WCCD) ng Caloocan Police ang biktimang si Elizabeth Mojica, 34, ng # 3-A Cruz St., Brgy. 100, Caloocan City, upang pormal na magsampa ng reklamo laban sa dating live-in partner na si Bernabe Cayabyab, 38, driver, at Violeta Malay, nasa hustong gulang, kapwa residente ng NDR Pangako St., Brgy. 151, Bagong Barrio, Caloocan City.

Ayon kay Mojica, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Edsa, Caloocan City, habang siya ay naglalakad papunta sa kanyang mga pautang.

Aksidente nitong nakita ang mga suspek lulan ng pinapasadang jeep ni Cayabyab kung kaya’t nilapitan niya ito upang humingi ng sustento sa apat nilang anak.

Subalit, hindi pa man natatapos sa pagsasalita si Mojica ay agad itong binigwasan ni Cayabyab at hindi pa nakuntento, pinagsasampal at sinabunutan ni Malay habang pinagsusuntok at tadyak naman ang ipinamalas dito ng dating kinakasama.

Sa kabila ng sakit sa katawan na inabot ni Mojica, nagawa pa nitong tumungo sa Ospital ng Diosdado sa Caloocan City upang ipagamot ang mga tinamong pasa, sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

“Pinagbantaan pa po nila (suspek) ako at sinabi na, ‘Kapag nakita ka pa namin dito sa kanto, tatapusin ka namin, magdemanda ka pa at pagtutulungan ka namin, tetestigo pa ako laban sa ‘yo!’” ani pa ni Mojica.

Hindi na pinalampas ng biktima ang nasabing insidente at tumungo ito sa nasabing himpilan para pormal na magsampa ng reklamo laban kina Cayabyab at Malay, kung saan humihingi na rin ito ng sustento sa kanilang apat na anak.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.