GENERAL ANGELO REYES NAG SUICIDE

NAGWAKAS SA ISANG trahedya ng pagpapakamatay ang buhay ng isang magiting na sundalo na ang mahigit 37 taong paglilingkod sa bansa ay kinabibilangan ng pagiging Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, Secretary ng National Defense, DILG, DENR at Department of Energy.

Si Ret. Gen. Angelo Reyes, 65-anyos, may asawa at mga anak ay idineklarang patay bandang alas-8:32 ng umaga kahapon sa Quirino Memorial Medical Center dahil sa isang tama ng bala sa kaliwang dibdib nito na nagtagos sa kanyang likurang bahagi.

Ayon sa ulat, si Reyes ay maagang dumalaw kahapon sa puntod ng kanyang ina sa Loyola Memorial Park sa Marikina, kung saan kasama nito ang kanyang dalawang anak, driver at isang security.

Bago mag-aalas-7:45 ng umaga, idinagdag ng ulat na inutusan ni Reyes ang kanyang mga anak, driver at security na mauna na sa kotse at doon na lamang ito hintayin habang naglalakad-lakad papaikot sa puntod ng kanyang ina.

Nang tumalima ang mga inutusan, walang anu-ano ay bigla na lamang umalingawngaw ang isang putok ng baril na ayon sa isang empleyado ng nasabing sementeryo ay nakita umano niyang may hawak na baril si Reyes at agad nitong itinutok sa kanyang dibdib at pinaputok.

Bahagi ng nakalap na ebidensiya ng mga im-bestigador mula sa pinangyarihan ng krimen ay isang basyo ng bala ng kalibre .45 baril na siyang pinaniniwalaang kumitil sa buhay ng magiting na sundalo.

Nauna rito, nasangkot si Reyes sa isang anomalya sa military kung saan inilahad ng kumpare nito na si dating AFP Finance Officer Col. Jeorge Rabusa na nagkamal umano ng milyones na salapi si Reyes noong ito pa ang AFP Chief of Staff.

Ang nasabing paratang na isinagawa sa isang “committee hearing” sa Senado ay agad namang pinabulaanan ni Reyes, kung saan sa sumunod na pagdinig ng Senado ay hindi na ito sumipot.

Bahagi ng ikalawang pagdinig, maraming dokumento ang inilabas ni Senador Jinggoy Estrada na nagpapatunay na ang asawa ni Reyes na si Teresita ay 48 beses pumunta noon sa ibang bansa at maaring ito ang may-ari ng ilang mansiyon o bahay sa Amerika na milyones ang halaga.

Matatandaang si Reyes ang AFP Chief of Staff na humiwalay sa ama ni Sen. Estrada kaya naalis noon sa poder si dating pangulong Joseph Estrada.

Kasabay nito, kinumpirma rin ni Rabusa na maging ang asawa ni Reyes ay humihingi sa kanya ng pera noong si Reyes pa ang AFP Chief of Staff.

Ilang ulat naman ang nakalap ng Pinoy Parazzi, kung saan isiniwalat ni Ret. Navy Commodore Rex Robles na pagkatapos pa lamang umano ng unang hearing sa Senado ay naging malungkot na si Reyes at paulit-ulit nitong sinasabi na ito na ang kanyang katapusan dahil “hawak na nila lahat.”

Marami rin ang naniniwala na ang pagkakasangkot ng kanyang asawa sa usapin ng corruption at pag-aari sa ibang bansa ang hindi na nakayanan ni Reyes kaya nagpasiya na itong tapusin na ang kanyang buhay.                    (JUN BRIONES)


Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.