GEN. BACALZO, ALAM KO KUNG NASAAN ANG SUSPEK SA EVANGELISTA CASE!

NAGTATAKA ANG TAUMBAYAN kung bakit may mga kasong hindi agad nalulutas.

Lalo na yaong mga kaso na may kinasasangkutang “reward”.

Personal, parekoy, ang karanasan natin sa bagay na ‘yan. Kaya nga masasabi ko na mismong ang mga pulis ang ayaw lutasin ang kaso dahil ang kanilang tinatarget ay ang reward!

Huwebes nang ipaabot sa atin ng “reliable” informant kung saan matatagpuan ang isang tao na sangkot sa kaso ng pagpatay at pagsunog kay Venzon Evangelista.

Ang tinutukoy natin, parekoy, ay ang sinasabing “mekaniko” na nagngangalang Joel, kung saan ang cartographic sketch nito ay ipinalabas ng mismo ng PNP.

Ayon sa Philippine National Police, may premyong kalahating milyong piso para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng nasabing suspek.

Ang mekanikong si Joel, parekoy, ang itinuturo ng mga saksi na isa sa dalawang tao na kinatagpo ni Venzon bago pa ito tuluyang nawala at pagkaraan ng ilang araw ay natagpuang sunog ang kanyang bangkay.

Sa madaling salita, kung makukuha itong mekanikong si Joel, halos lutas na ang kaso ni Evangelista at maaaring maging ang kay Emerson Lozano.

Pero nang kinausap natin noong Huwebes sina Major Rene de Jesus ng RPIOU at isang Col. Cambay ay roon na nagkaroon ng problema.

Dahil ang gusto ng informant, ihanda muna ang dokumentong nagpapatunay na siya ang “tipster” upang masiguro na sa kanya mapupunta ang “reward”.

Ang gusto naman nina Major De Jesus at Col. Cambay, ituro muna ng tipster kung nasaan ang suspek at saka na lang daw aayusin ang dokumento.

Kung desidido sina Major De Jesus at Col. Cambay na mahuli ang suspek, dapat inayos na nila ang dokumento bilang panigurado na sa “tipster” mapupunta ang reward, hindi ‘yong pati ako ay gusto pang paikutin ng mga gago!

Sa inisyal na pag-uusap kasi, parekoy, may nabanggit akong lugar kung saan ito naroroon, ‘yun na ang naging dahilan kaya naging gahaman sa reward itong mga pulis dahil akala nila matutunton na nila!

Kung makasibat na itong mekanikong si Joel at hindi na matagpuan, ang grupo nina Major De Jesus at Col. Cambay ang dapat managot dahil sa kanilang kasakiman sa reward!

Kung gusto talaga ni PNP Chief na mahuli agad ang suspek, kausapin niya tayo dahil nasa akin ang “informant” at imbestigahan na rin agad sina Major De Jesus at Col. Cambay!!!

Tiyakin n’yo lang sir na hindi gahaman na naman ang ipapakausap n’yo sa akin.

Bilisan n’yo na!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA Kinse Trenta mula Lunes hanggang Biyernes tuwing alas 6 hanggang alas 7 ng umaga sa dzme 1530 kHz (dulong kanan ng inyong talapihitan).

Sa programang ito ay inyo pong maririnig ang PAREHAS at WALANG TAKOT na pambabatikos sa mga kagaguhan ng mga taong gobyerno!!!

Maari rin ninyong i-text ang anumang sumbong o reaction sa 0915-2121303 o mag-e-mail sa jun-briones69@yahoo.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.