GAWING AIRTIGHT ANG KASO LABAN SA DOMINGUEZ BROS.

NAKAPAGTATAKA KUNG paanong napunta ang “sunog” na lisensiya ng biktimang si Venzon Evangelista sa isang apartment sa San Fernando, Pampanga, kung saan narekober umano ng mga pulis ang ilang ebidensiya laban sa mga killer “daw” nina Evangelista at Lozano.

‘Pag nagkataon, ang judge na naman ang pagbubuntunan ng sisi nitong mga pulis kapag mangyaring ma-dismiss ang kaso laban sa mga suspek.

Kasi naman, parekoy, kahit sinong bugok ang mag-analisa, walang gagong kriminal na pagkatapos gawin ang isang krimen ay tatangayin pa talaga ang sunog na lisensiya ng biktima papunta sa kani-lang “hide-out”.

Para ano… para magkaroon lang talaga ng ebidensiya laban sa kanilang sarili?

At ano naman ang kanilang mapapakinabangan sa sunog na lisensiya? Para ipagsigawan lang talaga sa buong mundo at sa mga pulis ang kanilang krimen?

Kung tayo ang tatanungin, parekoy, posibleng natagpuan ang nasabing lisensiya sa lugar kung saan narekober ang sunog na katawan ni Venzon Evangelista.

At sa kagustuhan ng mga pulis na palabasing “solved” na ang kaso, binitbit ang sunog na lisensiya roon sa loob ng apartment na kanilang ni-raid.

Kung magkaganoon, madali nga namang palabasin na lutas na ang kaso dahil may na-rekober na nga namang ebidensiya sa loob mismo ng sinalakay na apartment.

Pero sa totoo lang, parekoy, darating ang araw, kapag ang nasabing ebidensiya ay isinumite sa korte at ito ang mapagdiskitahang dalirutin ng mga abogado ng suspek, baka ito pa ang magiging dahilan para mapawalang-sala ang mga akusado.

At ang korte na naman ang sisisihin ng mga complainant… samantalang iyang “planted-planted” ng mga pulis ang dahilan!

Tandaan natin, parekoy, na masyadong suwitik itong mga Dominguez na ito, at sa kaunting pagkakataon ay tiyak na lulusot ang mga ito sa nasabing mga karumal-dumal na kaso.

Tingnan n’yo lang ang ginawa nitong sa Raymond kamakailan lang… sumipot sa Bulacan PNP Provincial Headquarters para raw magpa-custody sa mga pulis.

Pero nang dinala sa Camp Crame para iharap sa “inquest proceedings”, hayun at irereklamo raw ang mga pulis dahil hindi naman daw siya arestado!

Nakita n’yo na, parekoy? Sampol pa lang ‘yan!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayong makinig sa aking programa sa radio na ALARMA KINSE TRENTA, tuwing 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes, sa DZME 1530 kHz (dulong kanan ng talapihitan).

Sa programang ito ninyo maririnig ang tunay na walang takot at walang kinikilingang komentaryo sa mga napapanahong isyu.

Maaari rin po ninyo akong marinig at mapanood sa internet, 6-7 ng umaga sa www.dzme1530.com

Anumang sumbong, i-text lang sa 09152121303 o kaya’y mag-e-mail sa junbriones69@yahoo.com.

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.