Gapos Gang, Umatake na Naman

NAGBIGAY-BABALA ANG pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa  kilabot na ‘Gapos gang’ matapos na muling mambiktima ng isang pamilya sa nasabing lungsod at tumangay ng mahigit sa P100,000 halaga at gamit, ayon sa mga awtoridad.

Lumalabas sa ulat na muling umatake ang grupo sa bahay ng isang Esmely Adviento, 63, meat vendor, na matatagpuan sa Alley 2, Brgy. Project 6 sa lungsod.

Sinabi ni PO3 Jonathan Bustarde na may-hawak ng kaso, hindi umano aakalain na mga kawatan ang apat na salarin dahil sa kasuotan ng mga ito na pawang mga naka-postura at disenteng tignan. Gayunman armado ang mga ito ng matataas na kalibre ng baril at ang iba ay naka-silencer pa.

Base sa report ni Bustarde, naganap ang pag-atake ng mga salarin sa bahay ng biktima nitong Linggo ng alas-10 ng umaga. Diumano, naghahanda ng kanilang agahan sina Esmely at kasambahay na si Mea Jinky Arellano sa may kusina nang biglang pumasok ang apat na mga salarin na armado ng baril.

Sinasabing nagawang makapasok ng mga salarin sa bahay nang makitang bukas ang gate nito. Sa loob ng bahay, dalawa sa mga ito ang mabilis na umakyat sa ikalawa at ikatlong palapag ng apartment, habang ang dalawa naman ay tinutukan ng baril ang buong pamilya saka iginapos at ikinulong sa isang silid.

Dito ay tinakot umano ng dalawang miyembro ng gang ang mga biktima na huwag gagawa ng ingay na maaaring makapagbigay ng atensyon sa kapit-bahay kung hindi ay maaaring may mangyaring masama sa kanila.

Matapos nito, nang makuha ng ang mga pakay sa bahay ng mga biktima ay agad na tumakas ang mga kawatan.

Nauna nang nagbabala si QCPD director Police Senior Supt. Richard Albano sa publiko laban sa grupo matapos na madakip ang lider ng isang grupo na si Jonathan Cuya na sangkot sa serye ng robbery sa lungsod at karatig lugar.

Ssmantala, dito ay sinabi ni Albano na may natitira pang kasapi si Cuya na maaaring gumawa ng nabanggit na pagsalakay.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.