Gamit ang Divine Laws
Sulu Sultanate, Dumulog sa CBCP

KUNG HINDI na kayang maresolba sa batas ng tao, gamitin na ang divine laws. Ito ang idinahilan ng Sulu Sultanate sa pagpapasaklolo nila sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang maidulog na sa Vatican ang isyu ng Sabah.

Ayon kay Engr. Abraham Idjirani, tagapagsalita ng Sulu Sultanate,  ang hakbang ay kasunod na rin ng tila hindi malinaw na patutunguhan ng isyu ng Sabah sa ilalim ng mga pinatutupad na batas.

Nais aniya ng Sultanato ng Sulu na magkaisang pag-usapan ng mga Kristyano at Muslim ang isyu ng Sabah sa ilalim ng “divine law”.

Base na rin aniya sa kasaysayan ang hakbang na ito ng sultanato.

Huwag din aniyang ka-limutan na 25 hanggang 30 porsyento ng populasyon sa Sabah ay mga Kristyano.

Ikalawang layunin ng naturang pagdulog ng sultanato sa CBCP ang pagnanais nitong maipaalam ang karapatan sa pag-angkin ng Sulu Sultanate sa Sabah.

Nagpadala na aniya sila ng mga dokumento kay CBCP President at Bishop Jose Palma para suportahan ito.

Kalakip na rin aniya nito ang kanilang mga resolusyon at manipesto ng Royal Datus kay Sultan Jamalul Kiram III.

Magiging daan din aniya sa “genuine Muslim-Christian solidarity” ang pag-uusap ng CBCP at sultanato.

Nangako naman si Bishop Palma na umalis na kagabi patungong Vatican, na idudulog nito ang hinaing ng sultanato sa Vatican Council maging ang human rights violations sa mga Pinoy sa Sabah.

Bago ang CBCP, una nang inilapit ng sultanato sa pamahalaan ng Pilipinas at United Nations (UN) ang usapin.

Iginiit rin ni Idjirani na nananatiling bukas para sa negosasyon ang sultanato. Sa oras na matapos ang mga pag-aaral sa claims ng sultanato, hiniling nitong masama sila sa usapan.

Samantala, sinabi ni Idjirani na sa huling pagtawag ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, ipinapa-beripika aniya nito ang ulat na pagdating ng higit 100 armadong kalalakihan sa Lahad Datu galing Basulta (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi).

Nais nitong siguraduhin kung kasama ba ang mga ito sa kanilang grupo. Pinasisiyasat na umano ito ng sultanato.

Laging tanong aniya ni Raja Muda Kiram kung ano na ang posisyon ng Malaysian government.

Sa ngayon, maingat din aniya ang grupo ni Raja Muda sa pag-iwas sa Malaysian forces dahil mas mahina sila at pangalawa, para umano sa idineklarang unilateral ceasefire ng sultanato.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.