Gaming firm rumesbak kay De Lima

 

RUMESBAK KAHAPON ANG Meridian Vista Gaming Corporation sa pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima na iligal umano ang operations ng betting stations ng nasabing gaming firm sa labas ng Cagayan Economic Zone na nasasakupan ng Northern Luzon.

“Nananawagan kami kay Secretary De Lima na ‘wag sanang magpadalus-dalos sa pagbigay ng pahayag na iligal ang operasyon ng Meridian, kasi libu-libong mga kawani nito ang maaapektuhan, maliban pa sa isyung ligal. Kasi hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nareresolba ng Supreme Court ang usapin,” pahayag ni Raul Banderas, ang spokesman ng nasabing gaming firm.

Sinabi ni Banderas na nananawagan din ang management ng Meridian kay DILG Secretary Jess Robredo na pag-aralan munang mabuti ang sinasabing ligal na opinyon ni De Lima bago gumawa ng marahas na hakbang upang hindi maunsiyami ang panghihikayat ng gobyernong Aquino sa mga lokal at dayuhang mangangalakal na maglagak ng negosyo sa bansa.

Si Robredo ang sinasabi ng Justice deparment na dapat magpatupad ng opinyon nito para ipahinto ang mga betting stations ng Meridian sa labas ng nabanggit na economic zone sa Northern Luzon.

Ayon kay Banderas, bago pa man nagpalabas ng nakalilitong opinyon si De Lima kahapon, matagal nang nilinaw ng mga naunang sekretaryo ng Department of Justice na ligal ang operasyon ng Meridian batay sa ipinagkaloob na prangkisa ng Cagayan Economic Zone Authority.

Idinagdag ng spokesman ng Meridian na may nauna na ring mga pagtatangka na hamunin ang ligalidad ng operasyon ng nasabing gaming firm, pero naresolba na ito sa pamamagitan ng desisyon ng mababang hukuman at maging ng Court of Appeals na walang nilabag na batas ang Meridian, maging ang paglagay nito ng betting stations sa labas ng Cagayan Economic Zone.

“Naniniwala kaming may mga iligalistang nasa likod sa pagpupursige na mapahinto ang ligal na operasyon ng Meridian, at ito sana ang dapat mapaimbestigahan at pagtuunan ng pansin ng ating kagalang-galang na mga sekretaryo,” pahayag pa ni Banderas.

Ang tinutukoy ng opisyal ng Meridian ay ang ulat na gumagawa ng paraan ang ilang Jueteng operators na mapahinto ang ligal na Jai-Alai gaming o-perations na sa ngayon ay unti-unting bumabasag sa kubransa ng iligal na Jueteng.

“Walang daya, parehas at malinis ang palarong Jai-alai ng Meridian at marami itong natutulungang mga kubrador at kawani ng iligal na Jueteng na ngayon ay nagbabagong-buhay dahil ayaw na nila ng iligal. Kaya iyan ang dahilan kung bakit ginagatungan nitong mga iligalista ang Justice department ng mga mali at mapanirang impormasyon,” pagtatapos na pahayag ni Banderas.  (Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.