Gabriela at Yolanda survivors, sumugod sa Mendiola

NAGPROTESTA SA Mendiola ang grupong Gabriela kasama ang mga ‘survivor’ ng typhoon Yolanda para  isigaw ang anila’y tuluy-tuloy na kapabayaan ng gobyerno sa kanilang kalagayan.

Sinabi ni Gabriela Secretary General Joms Salvador na patuloy na sumisigaw ng hustisya ang mga kababaihan para sa mga biktima ng nasabing kalamidad dahil patuloy silang pinababayaan pamahalaan, gayong higit 100 araw na mula nang manalasa ang bagyo.

Daing ng grupo, wala silang makain, mainom, matirahan, bukod pa sa kawalan ng kuryente at hanapbuhay dahil na rin sa kapabayaan ng gobyerno.

Ayon kay Salvador, nakaligtas man sila sa lupit ng bagyong Yolanda, unti-unti naman silang pinapatay ng anila’y “disaster” na presidente.

Hiniling din ng nasabing grupo ang P40,000 subsidya sa bawat pamilya kasabay ng panawagang ibigay sa mga biktima ang mga nakalap na donasyon mula sa loob at labas ng bansa.

Binatikos din ng mga ito ang “no-build zone” para sa mahihirap sa mga tabing-dagat samantalang pinapaboran ang umano’y pagpapaunlad sa mga lugar ng malalaking negosyo bilang bahagi ng Public-Private-Partnership (PPP) ng Administrasyong Aquino.

Inihayag naman ni Sister Edith Eslopor, chairperson ng People Surge Movement na layunin din ng kanilang protesta na maihatid ang demands ng mga biktima ng Yolanda na may lagda ng nasa 17,000.

Bukod pa sa P40,000 cash relief, nais din ng grupo na bilisan ang rehabilitasyon sa kanilang kabahayan at kabuhayan.

Iginiit pa nito na bagama’t may nakakarating na tulong, hindi naman ito nararamdaman ng lahat lalo na ng mga nasa malalayong lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.