Gabby versus Willie

SA KULTURA NATING mga Pilipino, ang mga tinatawag na underdog o iyong mga naaagrabyado ang siyang nakakakuha ng simpatiya. Galit ang mga Pilipino sa mga mapanggipit at mapang-api.

Dapat sigurong tigilan na ng ABS-CBN ni Gabby Lopez si Willie Revillame. Nagkaroon na sila ng pagkakataon na ipatigil sa korte sa pamamagitan ng TRO ang muling pagkakaroon ng TV show ni Revillame. Pero mas kinatigan ng korte si Revillame at pinayagan itong muling makabalik sa telebisyon.

Ngayon naman, muling nag-aalboroto ang ABS-CBN at inihahabla si Revillame sa kasong copyright infringement. Ginaya raw kasi ng Willing Willie ang format ng Wowowee. Ang malupit pa rito, sa isang korte sa Makati nagsampa ng kaso ang ABS-CBN laban kay Revillame, samantalang ang ABS-CBN at ang TV5 kung saan pinalalabas ngayon ang Willing Willie ay parehong nakabase sa Quezon City.

Tama ang ginawa ng ABS-CBN noong unang magsampa ito ng kaso at humingi ng TRO sa isang korte sa Quezon City laban kay Revillame at sa Willing Willie dahil ang nasabing siyudad ang tamang venue. Pero kuwestiyonable ngayon ang ginawang venue ng ABS-CBN nang magsampa ito ng panibagong kaso laban sa Willing Willie sa Makati.

Para sa mga mahihirap na siyang bumubuo ng mga fans ni Revillame, ang programang Willing Willie ay tumutulong sa kanila at malaking kawalan para sa kanila kapag ito ay napatigil.

Ang patuloy na pagsasampa ng kaliwa’t kanang kaso ng ABS-CBN laban kay Revillame ay nakikita ng mga fans ni Revillame bilang isang panggigipit sa kanilang iniidolo. Nakikita rin ng mga fans na pati sila ay tila idinadamay na rin ng ABS-CBN sa panggigipit dahil nais ipatigil nito ang munting kasiyahan na kanilang natatamasa araw-araw na idinudulot ng Willing Willie.

Ang ginagawa ngayon ng ABS-CBN kay Revillame ay lalo nilang pinaparami ang kanyang mga fans. Kasunod, mas lalo nilang tinutulungang tumaas ang ratings ng Willing Willie dahil likas sa ating mga Pilipino ang pagiging kuryoso.

Para sa mga hindi pa nakapapanood ng mga show ni Revillame, sila ay magiging kuryoso at mag-uusyoso kung ano bang mayroon sa Willing Willie at bakit ayaw tantanan ito ng ABS-CBN at gustung-gustong ipatigil. Dahil dito, madadagdagan pa lalo ang viewership ng Willing Willie. Bakit ko nasabi ito?

Maraming taon na ang nakararaan, nagsampa ng kaliwa’t kanang libel case sa inyong SHOOTING RANGE ang asawa ng isang makapangyarihang tao sa gobyerno. Ito ay bunsod ng kanyang personal na galit sa aking nakatatandang kapatid. Hindi pa nakontento, ipinatigil pa ng taong ito ang aking mga TV shows.

At parang hindi pa nagkasya roon – ayaw niya akong tantanan, pinag-initan pa ng taong iyon ang aking natitirang public service program na WANTED SA RADYO (WSR) sa RMN. Pilit niyang iginapang para mapatigil umano sa management ng network ang WSR, na alam naman niyang tumutulong sa mga mahihirap. Ipinagbigay-alam ko iyon sa mga listeners ng WSR.

Matatawag na blessing in disguise ang nangyaring panggigipit ng taong iyon sa akin dahil mas lalong dinagsa pa ng listeners ang WSR at namayagpag ito sa ratings. Kasunod noon, dumagsa rin ang mga walk-in advertisers, at ngayon, halos okupahin na ng ads ang buong dalawang oras na airtime ng nasabing programa.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.