Freeze Order sa mga Kinasuhan sa Pork Scam, Nasa AMLC na

WALA NANG planong kuwestiyunin pa ng Department of Justice (DoJ) bagkus ipinauubaya na lamang nito sa Anti Money Laundering Council (AMLC) ang desisyon at istratehiya sa pagsasailalim sa freeze order ng mga ari-arian at bank account ng mga kinasuhan sa pork barrel fund scam.

Ang nasabing paliwanag ay ginawa ni Department of Justice (DoJ) Secretary Leila de Lima sa harap na rin ng katanungan kung bakit hindi napabilang sa freeze order ng Court of Appeals ang assets at bank accounts nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na pawang kinasuhan sa Office of the Ombudsman ng Plunder habang sakop lamang ng freeze order ang ilang dating kongresista at mga staff nito.

Maaalala na una nang inihayag ng appellate court na hindi kasama sa freeze order ang ari-arian ng tatlong mambabatas dahil hindi naman kasama ang kanilang mga pangalan sa hiniling ng AMLC na isailalim sa freeze order ang mga asset.

Sinabi naman ng kalihim na ang AMLC ang siyang may mas kapasidad pagdating sa nabanggit na usapin at ayaw na umano nila itong gipitin sa naturang isyu.

Naniniwala rin si De Lima na may sariling proseso at istratehiya ang AMLC at ito rin ang nagsasagawa ng pagsisiyasat kaya mainam na hayaan at ipaubaya na sa kanila ang gagawing hakbang sa kaso.

Samantala, inihayag ng kalihim na kung ang NBI umano ang tatanungin na siyang naghain ng kasong Plunder, nais nitong ipasama sa freeze order maging ang assets ng tatlong mambabatas, katuwiran umano kasi ng NBI na mayroong conspiracy na naganap sa pagpapalabas ng PDAF funds bagamat iba’t ibang lebel umano ang naging partisipasyon dito ng ilang indibidwal.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.