Fr. Tentorio slay case, ‘wag gamitin sa pulitika

 

BINATIKOS NI DATING Mindanao Development Authority Chairman Jesus Dureza ang aniya’y pana-namantala ng ilang sektor sa kaso ng pagpaslang sa Italian missionary na si Fr. Fausto Tentorio.

Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang reaksyon sa pagpipilit ng ilang grupo na may kinalaman ang sinasabing mining activities sa rehiyon sa pagpaslang sa pari.

Itinanggi ng opisyal na may mining activities na nangyayari sa bayan ng Arakan, kung saan pinaslang ang opisyal ng Simbahan.

“Dapat huwag sanang isakay kaagad ang kanilang interest dito. Unang-una, walang mining activities sa Arakan. Sana, hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon,” giit ni Dureza, na nagsilbi ring dating presidential adviser on Mindanao affairs.

Una rito, nilinaw rin ng Chamber of Mines of the Philippines na walang ginagawang operasyon ng pagmimina ang alinman sa kanilang miyembro sa bahagi ng North Cotabato.

Mismong ang Mines and Geosciences Bureau ay nilinaw rin na sa kasalukuyan, wala itong ibinibigay na permit o kontrata para sa operasyon ng pagmimina sa nasabing rehiyon.

Itinakda na sa Martes sa susunod na linggo ang libing ng napaslang na Italian missionary.

Isang funeral mass ang gagawin para sa namayapang pari sa Our Lady Mediatrix of All Graces Cathedral, kung saan inaasahan umano ang pagdalo ng libu-libong nagmamahal kay Fr. Tentorio, ayon kay Kidapawan Bishop Romulo Dela Cruz.

Ang labi ng pari ay ihihimlay sa Brgy. Balindog, katabi ng libingan ng napaslang din na Italyanong pari na si Fr. Tullio Favali. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.