Foreman, binoga sa ulo ng riding in tandem

AGAW-BUHAY NGAYON SA pagamutan ang isang foreman matapos barilin sa ulo ng mga suspek na naka-motorsiklo nang tambangan ang una ng mga huli at tangayin ang dalang pera na pampasahod sa kanyang mga tauhan kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Inoobserbahan sa Far Eastern Medical Center Quezon City sanhi ng tinamong tama ng bala sa ‘di pa mabatid na kalibre ng baril sa kanang ulo ang biktimang si Rommel Moles y Sardiña, 35, may-asawa, project foreman ng North Caloocan City Hall at residente ng Doña Aurora St., Bgy. 177, Camarin, Caloocan City.

Tugis naman ng mga awtoridad ang dalawang suspek na nakilalang sina Jay-ar Tampol at Jhun-Jhun Bulatao, pawang mga nasa hustong gulang, ng naturang lugar na mabilis nagsitakas matapos ang insidente sa ‘di malamang direksyon lulan ng motorsiklo na siyang ginamit sa pagtakas.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas 5:00 ng hapon ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Everlasting Street Bgy. 177, Camarin, Caloocan City.

Bago ang insidente, tumungo ang biktima sa North Caloocan City Hall upang kunin ang pera na pampasahod sa kanyang mga tauhan, subalit hindi nito akalain na sa kanyang pagbalik ay nakaabang na ang mga suspek.

Lulan ng isang motorsiklo ang biktima na minamaneho ni Eugenio Ramirez, bigla na lamang sumulpot ang mga suspek at hinarang ang biktima, dito agad na naglabas ang isa sa mga suspek ng baril at tinutukan si Moles sa ulo habang pilit na kinukuha ang dala nitong backpack na naglalaman ng P40,000.00, su-balit tumanggi itong ibigay.

Dito, walang sabi-sabing ipinutok sa ulo ng isa sa mga suspek ang baril na nakatutok sa biktima saka mabilis na pinaharurot ang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka tangay ang pera.

Agad namang dinala sa Tala Hospital ang biktima para lapatan ng lunas, ilang minuto ang makalipas inilipat rin ito sa FEMC upang isailalim sa operasyon matapos bumaon ang bala sa ulo nito.

Habang isinusulat ang ulat na ito ay nag-aagaw-buhay ang biktima sa nasabing pagamutan.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.