FOI, RH Law at Political Dynasty, Laman ng Pastoral Letter ng CBCP

HUMARAP SA media si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Cebu Archbishop Jose Palma upang ihayag ang nilalaman ng pastoral letter na sumesentro sa mga problema ng bansa matapos ang kanilang plenary kamakalawa.

Sa naturang pastoral letter, sinabi ni Palma na sunud-sunod na dagok ang naranasan ng bansa tulad ng mga Bagyong Pablo at Sendong na hindi lamang sumira sa pamayanan, kundi kumitil ng libu-libong buhay at nagwasak ng mga ari-arian.

Ang nasabing kalamidad aniya ay sanhi ng pagkawasak ng ating kalikasan dahil sa walang humpay na illegal logging at pagmimina na tila hamon sa sinseridad, kalidad at pagiging epektibo ng gobyerno na ipatupad ang batas.

Kabilang din sa nasabing liham ang pagtuligsa sa ilang senador na gumagaya sa ibang bansa sa pagsusulong ng mga batas tulad ng culture of death and promiscuity, gaya na lamang aniya ng diborsyo, contraceptives na daan sa aborsyon, paggamit ng condom at school sex education na nagiging daan sa teenage pregnancy.

Tinalakay rin ang usapin sa Freedom of Information (FOI) Bill na sanhi ng patuloy na corruption at pag-abuso sa kapangyarihan ng ilang opisyal, ang paglaganap ng political dynasties, ang usapin ng automated election process na hindi garantiyang magkakaroon ng malinis at patas na eleksyon, ang mabagal na hustisya, ang culture of impunity at ang patuloy na pagdurusa ng mga mahihirap nating kababayan.

Dahil dito, mananatili aniya ang Simbahang Katolika sa pagsusulong ng moral values at ang pagpapahalaga sa buhay taliwas sa Reproductive Health (RH) Law.

Samantala, kinokondena din nila ang pagbabalewala ng pamahalaan na papanagutin at usigin ang mga tiwaling public official, at ang panawagang bigyan ng importansiya at kaagad na ipasa ang FOI Bill at ang pagbuwag sa political dynasties.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.