FOI Bill, Tuluyan Nang Pinatay sa Kongreso

NABIGO ANG 15th Congress na maisabatas ang Freedom of Information (FOI) bill.

Kamakalawa, pormal na nagsara ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang pagbibigay-daan sa panahon ng eleksyon. Magbabalik ito para sa ilang araw na pormalidad sa Hunyo bago tulu-yang ma-adjourn.

Bagama’t aprubado na sa Senado ang bersyon ng panukalang batas, bigo naman itong makausad sa Kamara.

Matapos na makalusot sa committee level, nagawang makapagpahayag ng sponsorship speech ang may-akda nito. Pero sa kabila nito, hindi pa rin ito naisalang sa debate at makalusot sa ikalawang pagbasa gaya ng inaasahan.

Sa panig naman ng minorya, iginigiit ng mga ito ang probisyon sa “right to reply”.

Binawi naman ng Makabayan bloc sa pangunguna ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang kanilang suporta sa FOI bill.

Sinabi ni Casiño na may mga ipinasok umano ang Palasyo na mga probisyon na mas maghihigpit pa sa paglalabas ng impormasyon ng pamahalaan.

Hanggang ngayon, walang interes si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na sertipikahang urgent ang FOI bill gaya ng ginawa nito sa Reproductive Health bill na kalaunan ay matagumpay na naisabatas.

Patuloy naman ang panawagan ng mga media group gayundin ng ilang non-governmental agency, kay Pangulong Aquino na kumilos na at suportahan ang FOI bill.

Sa editorial ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), ipinaalala nito sa Pangulong Aquino ang pangako nito tatlong taon na ang nakalilipas nang kumakandidato pa lang ito.

Maaalala na sa pangangampanya ng Pangulo, ipinangako nitong susuportahan ang FOI bill at itutulak ang tuluyang pagsasabatas nito.

Samantala, maging ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), binatikos ang kawalan ng suporta mula sa Palasyo para sa FOI bill.

Sinabi rin ng Simbahan na kataka-takang kinatatakutan ng kasalukuyang administrasyon ang FOI gayong ibinibida naman nito ang “daang matuwid”.

Sa ngayon, nangako ang Right to Know, Right Now! Coalition na itutuloy ang laban para sa pagsasabatas ng FOI bill sa 16th Congress.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.