Flash Appeal sa mga Biktima ng Bagyo, Itinaas ng UN

ITINAAS PA ng United Nations ang flash appeal para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Pilipinas.

Mula sa dating $301 milyon, ginawa ito ng world body na $348 milyon o katumbas ng halos P15 bilyon.

Ayon kay UN humanitarian chief Valerie Amos, sa laki ng pinsalang idinulot ng kalamidad, kailangan din ang “massive response”.

Ito’y kasunod ng pa-ngatlong pagdalaw ni Amos sa Tacloban City na isa sa higit na sinalanta ng bagyo.

Nababagalan si Amos sa pagtugon ng international community sa flash appeal kung saan marami pa aniya ang kailangang gawin.

Prayoridad pa rin ayon sa UN offcial ang pagkain, tubig at bahay para sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni Amos na ang mga naapektuhang pamilya ay kailangan ng pangmatagalang suporta mula sa international community upang makapagpatayo ulit ng bahay.

Sa ngayon, nasa 39 percent pa lang ng flash appeal ang nalilikom ng United Nations.

Inihayag din ni Amos na ang $348 milyon ay posibleng itaas pa dahil may mga apektadong lugar pa na hindi napasok at gagawin ang major review ng urgent aid appeal sa unang linggo ng Disyembre.

Ikinababahala umano ng opisyal ang nasa 1.5 milyong mga batang apektado ng kalamidad na mahulog sa acute malnutrition.

Samantala, nagpasalamat din si Amos sa mga bansang tumugon sa panawagan ng world body pero hinimok ang international community na dagdagan ang tulong dahil deserving aniya ang ating bansa para sa nabanggit na suporta.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.