Fixer sa LTO, Timbog sa Patibong

HINDI NA nagawang makatakas pa ng isang notorious na fixer ng Land Transportation Office Tabang Branch, makaraang madakip sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng Guiguinto Police matapos magreklamo ang dalawang biktima nito.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP Provincail Director P/Sr.Supt. Joel S Orduna, kinilala ang nadakip na suspek na si Rowel Reynon, 41, alyas “Balat”, residente ng Blk-6, Lot-22, Violeta Village, Brgy. Sta.Cruz, Guiguinto, Bulacan. Samantala, ang mga biktima naman ay nakilalang sina John Carlo Eligio, 24; at Proceso Payongayong, Jr., 26, kapwa residente ng Brgy. San Jose, Hagonoy, Bulacan.

Base sa inisyal na im-bestigasyon, sinalubong umano ng suspek ang dalawang biktima, kung saan nagmagandang-loob ito na siya na ang lalakad sa lahat ng kanilang kailangan para sa pagkuha ng mga ito ng student permit na lisensya.

Kung saan tiwala naman ang dalawa na mas mapapadali kung ipauubaya nila ang paglalakad sa kanilang lisensya, at agad na humingi ng tig-P1,500 para sa paglalakad ng mga dokumento sa pagkuha ng naturang lisensya.

Makalipas  ang isang araw, nagpadala ng text message ang suspek sa kanyang mga biktima, kung saan muli itong humingi ng halagang P200.00 para naman daw sa mas mabilis na proseso. Bagama’t duda na ang dalawa, pumayag ang mga ito na makipagkita sa suspek upang iabot ng karagdagang pera.

Lingid sa kaalaman ng suspek,agad na humingi ng tulong sa mga pulis ang mga biktima, at agad ikinasa ang entrapment operation sa isang fastfood chain. Nabatid na bago pa ang pangyayari, inilatag na sa lugar ang mga nakasibilyan na pulis na naging dahilan upang madakip ang suspek.

Ayon naman kay P/Supt. Leon Rosette, marami na umano silang natanggap na reklamo laban sa suspek. Labis naman ang pagpapasalamat ni LTO-Tabang Branch chief Raffy Carpio sa pagkakadakip sa suspek. Aniya, magsilbi sana itong babala sa mga fixer na modus operandi ang manloko sa kapwa.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.