Fetus, nabungkal sa basurahan

NABULABOG ANG MGA residente ng isang barangay sa Caloocan City matapos na mabungkal ng isang basurero ang lalaking fetus na itinapon ng kanyang walang pusong magulang sa basurahan kamakalawa ng gabi.

Ang lalaking fetus na tinatayang nasa anim na buwan ay ibinalot sa puting tela na binalutan ng masking tape bago inilagay sa loob ng isang plastic bag at itinapon sa basurahan.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Rommel Bautista, may hawak ng kaso, dakong 10:31 ng gabi nang matagpuan ang fetus sa basurahan na matatagpuan sa panulukan ng A. Mabini at Nadurata Sts., Brgy. 18 ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang basurero ang kasalukuyang nagbubungkal ng mga basura sa naturang lugar upang ilipat sa kanilang truck nang mapansin nito ang isang plastic bag na pinagmumulan ng masangsang na amoy.

Agad na binuksan ng hindi nakilalang basurero ang plastic bag at tumambad dito ang lalaking fetus na ibinalot sa puting tela at masking tape kaya’t mabilis nitong ipinagbigay alam sa mga opisyal ng barangay ang natuklasan.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad, lumalabas na ang natagpuang fetus ay nasa anim na buwang gulang na agad na dinala sa Umipig Funeral Homes upang mabigyan ito ng maayos na libing.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng magulang ng fetus na nagtapon nito sa basurahan upang pormal na masampahan ng kaukulang kaso.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.