Ferdinand Marcos, nabiktima ng dugo-dugo gang

NABIKTIMA NG dugo-dugo gang ang kapangalang ng dating presidente Ferdinand Marcos sa Valenzuela City kamakalawa ng hapon.

Natangay ang pera at alahas na aabot sa mahigit P200,000 sa biktimang si Ferdinand Marcos, 47, ng Puso St., Collong 1 ng lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Michelle Arabit ng Tinajeros, Malabon City.

Sa pahayag ng kasambahay ng biktima na si Clarita Del Mundo, 30, alas-2 ng hapon nang makatanggap siya ng tawag mula sa hindi kilalang babae at sinabing nakadisgrasya ang kanyang amo at kailangan ng malaking halaga upang ipang-areglo.

Inutusan pa ng suspek si Del Mundo na kunin ang mga alahas at pera sa kuwarto ng amo at makipagkita sa Ever, Tatawid, Malabon City.

Nang makuha ay agad na nagpunta sa nasabing lugar si Del Mundo kung saan sinalubong ni Arabit at kinuha ang mga alahas at pera bago sinabihan ang una na hintayin ang amo.

Makalipas ang ilang oras na paghihintay at nang wala pa rin ang amo ay umuwi si Del Mundo at laking gulat nang makita ang amo sa bahay na naging dahilan upang magsadya sa presinto.

Sa photo gallery ng pulisya, positibong kinilala ni Del Mundo na si Arabit ang pinagbigyan niya ng pera at alahas ng among si Marcos.

(MARY H. SAPICO)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.