Feeling sikat pa rin sa pagbabalik-showbiz Roxanne Guinoo, kontrabida na lang ang role!

PAGKATAPOS MAG-ASAWA’T MAGKAANAK, nagbabalik-showbiz si Roxanne Guinoo. Ang nakakaloka, maraming demands ang dating starlet kahit kontrabida role na lang ang ibibigay sa kanya. Ayaw niyang makasama o makapareha sa kanyang mga project ang ex-boyfriend niyang sina Joross Gamboa at Jake Cuenca. Tuloy, lumalabas na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakaka-move-on sa mga dati niyang karelasyon. Dala-dala pa rin sa kanyang dibdib ang mapait na karanasan sa pag-ibig.

Hindi nga namin naramdaman ang pagkawala ni Roxanne dahil wala naman siyang nai-contribute sa showbiz industry. Hindi man lang tumatak sa isipan ng viewing public ang mga teleseryeng kanyang ginawa sa Dos. Pinag-usapan at naging sentro ng controversy ang pagbubuntis niya na wala sa panahon kahit sa bandang huli ay pinakasalan naman siya.

Oo nga’t nagkaroon ng kaunting pangalan si Roxanne pero hindi siya sumikat tulad nina Erich Gonzales, Maja Salvador, Melissa Ricks, Andi Eigenmann at Kim Chiu. Feeling sikat pa rin ang drama ng dating starlet kahit alam niya, alam natin na pang-supporting role na lang siya. Well, baka sa comebacking teleserye niya, lumabas ang galing sa pag-arte ni Roxanne. Let’s wait and see…

HINDI MATAPUS-TAPOS ANG controversy kina Shaina Magdayao, John Lloyd Cruz at Ruffa Gutierrez. Sa panayam ni Mo Twister sa TV host/ beauty queen/ actress, sinabi nito na nagsisinungaling ang Kapamilya showbiz couple. Itinanggi ng anak ni Annabelle Rama na siya ang naunang nag-text kay LLoydie na sinabi ni Shaina sa interview niya sa The Buzz.

“Kung ako talaga ang nagpadala ng text messages na una kay John Lloyd, ano ang pinadala kong message and prove it? Labasan na lang ng cellphone. Ako nandito ang cell ko, nandito pa rin ang mga text messages ko, kaya kong ipakita kahit kanino na hindi ako nagsimula nito. Kung may hawak silang ebidensiya, ilabas nila kasi mahirap naman na pinalalabas nilang ako ang nanggugulo,” walang kagatul-gatol na sabi ni Ruffa.

Napag-alaman naming babe pala ang tawagan nina Ruffa at Lloydie sa isa’t isa. Ang lalong ikinagalit nito ay ‘yung text message ni Shaina, “Stay away from us.” “’Yun ang pinakamasakit, ‘yung pinalalabas niya na hanggang ngayon, naghahabol ako. First of all, walang kailangang habulin, kanyang-kanya na si John Lloyd, paglilinaw ni Ruffa.

Sinabi rin ni Ruffa na isa sa mga dahilan kung bakit nilayuan niya si Lloydie ay ang madalas nitong pag-inom ng alak. “’Yung pagiging babaero niya, second na lang ‘yun. But let’s first go to the problem na sinabi niya sa akin na, ‘Hindi mo ako magugustuhan ‘pag nakilala mo na ako’.  And I said, ‘Ano ‘yun?’ Sinabi nga niya sa akin, ‘I drink a lot, hapon pa lang minsan, umiinom na ako’.”

Isa lang ‘yun sa naging problema nina Ruffa at Lloydie sa kanilang relasyon dahil kung minsan, nakakatulog na ito sa kalasingan. “Binubuhat siya palabas ng club. Siyempre, nahihiya naman ako, that was our main problem. Para sa akin, if there’s another girl, okay, I don’t even wanna be with you anymore. I don’t wanna force anyone who doesn’t wanna be with me,” tsika pa ni Ruffa G.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleGulong-gulo raw kasi ang pag-iisip Ramona Revilla, sadyang pinaalis sa bansa?!
Next articleAnnabelle Rama, ilalabas ang lahat ng baho ni Nadia Montenegro?!

No posts to display