FBI, Nakialam na sa Pagcor Payoff Scandal

TUMANGGI NANG magkomento ang Japanese gambling outfit na Universal Entertainment Corp. sa ulat na nakialam na ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa alegasyong multi-million dollar payoffs sa ilang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), kaugnay sa planong pagtatayo ng casino sa bansa.

Una rito, lumabas sa isang report na nagpadala na ng mga tauhan ang FBI mula sa kanilang Las Vegas office para makipagtulungan sa ginagawang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso.

Sinasabi kasing naganap ang “money transfer” na nagkakahalaga ng $40 milyon sa Amerika sa pagitan ng negosyanteng si Kazuo Okada at Rodolfo Soriano, malapit na kaibigan ni dating Pagcor chief Efraim Genuino.

Samantala, tinukoy naman sa ulat na sa susunod na linggo, nakatakda nang isumite ng NBI ang interim progress report nito sa Palasyo.

Sa panig naman ng Malacañang, una nang sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, na agad umano nilang kakanselahin ang kontrata kung mapatunayang idinaan sa anomalya ang pagkakaloob ng casino contract sa naturang kumpanya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.