Fare Rate sa mga School Bus, Itatakda ng LTFRB

SA HARAP ng reklamo ng mga magulang sa taon-taong pagtaas ng pasahe sa mga school bus, magtatakda na ang Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) ng fare rate o matrix para sa mga school service.

Sinabi ni Atty. Winston Ginez, bagong talagang chairman ng LTFRB na may kapangyarihan silang magtakda ng rate ng pasahe.

Inihayag nito na dati nang may prevailing rates ang ahensya para sa mga school bus pero hindi naipatutupad.

Dahil dito, tiniyak ni Ginez na tututukan niya ang pagtatakda ng fare matrix para sa mga school service upang maiwasan ang pag-abuso ng mga operator.

Pinag-aaralan na aniya nila ito at inaasahang maipapalabas ang matrix sa lalong madaling panahon.

Kasabay nito, ayon kay Ginez na umpisa kahapon ay iinspeksyunin na nila ang mga school service upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa mga nagbabalak namang magkaroon ng school service, sinabi ni Ginez na tatanggap lamang sila ng aplikasyon kung may endorsement o accreditation mula sa paaralan.

Samantala, hinikayat naman niya ang mga magulang na ipaabot sa kanilang tanggapan ang anumang reklamo o suhestyon na maaaring makatulong upang masolusyonan ang mga isyung may kinalaman sa school service.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.