Fans ni Sarah Geronimo, OA na!

KAILANGAN NA SIGURONG magpatingin sa doktor ang mga tagahanga ni Sarah Geronimo dahil palagi silang highblood. Nu’ng una, si Rayver Cruz ang kanilang pinag-initan. Nananahimik ang binata, pero hinusgahan nilang ginagamit daw nito si Sarah.

Ngayon naman, kay Sharon Cuneta sila naiinis. Sinabi lang ng Megastar na gusto niyang makasama si Angel Locsin sa pelikula dahil nababaitan siya sa batang aktres, ipinalagay na agad ng mga ito na ayaw ni Sharon kay Sarah.

Nagalit na agad ang mga tagahanga ni Sarah, hindi raw nila tatangkilikin ang pelikula ni Sharon. Para namang pinalalabas nila na ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong manonood ng sine ay puro tagahanga lang ni Sarah para hindi ‘yun magtagumpay.

Sana’y maghinay-hinay ang mga taong ito sa pagpapakawala ng komento. Napakahilig nilang mag-e-mail sa mga pahayagan, palaging mainit ang kanilang temperatura.

Ang nangyayari tuloy, kay Sarah naiinis ang mga nakababasa ng kanilang pahayag. Bakit daw hindi sinasabihan ng singer-actress ang kanyang mga tagahanga, samantalang palagi naman silang magkakasama?

Pero kung minsan, maiisip mo tuloy, mga totoong tagahanga nga kaya ni Sarah ang mga nagpapadala ng e-mail? Baka kasi mga tagahangang nagpapanggap lang ‘yun, para sirain ang singer-actress?

Baka naman pakawala ng ibang kampo ang mga taong ‘yun para palabasing mga bastos ang mga tagasuporta ni Sarah? Hindi imposibleng mangyari ang ganu’n. Nagaganap talaga ang mga ganyang gimik ng ibang grupo, para palabasing mayayabang ang mga tagahanga ng isang artista na siyempre’y nakaaapekto rin sa career ng artistang sangkot sa usapin.

Tulad ngayon, maraming naiinis kay Sarah dahil parang pigsa ang kanyang mga tagahanga na malayo pa ang karayom ay pumuputok na. Hindi naman ang mga ito ang nakatatanggap ng inis kundi ang mismong kinakatawan nilang artista.

Ano ba naman ang nagawang kasalanan ng Megastar? Ang sabihin lang niyang nababaitan siya kay Angel Locsin? Sapat na bang dahilan ‘yun para magalit kay Sharon ang mga tagahanga ni Sarah Geronimo?

Ano ba ang kanilang inaasahan, lahat na lang ng artistang tanungin kung sino ang gusto nilang makasama sa pelikula ay si Sarah Geronimo ang kailangang piliin ng mga ito?

Aba, teka naman muna, kailangan na sigurong magpatingin ng blood pressure ang mga taong ito para malaman nila na sumusobra na sila.

by Cristy Fermin

Previous articleSugod Shooting: Mamumukadkad na si Rosalinda!
Next articleJohn Lapuz, naaksidente pero walang galos?!

No posts to display