Pulandit: Failure of Ejection

ANG KAKULANGAN SA panahon para aralin at isailalim sa orientation ang mga guro bilang mga Board of Election Inspectors ay kabilang sa nagpalubha ng problema sa loob at labas ng presinto.

Bukod sa sisinghap-singhap na mga PCOS machines sa maraming presinto, mismong ang mga BEI ang naging dahilan ng pagkaburo ng maraming botante kahapon.

Personal nating nasaksihan ang problema dahil ang mga BEI ay hindi umaaksiyon sa sistema ng pila, sa napakaraming marshall at mga poll watchers.

Sa Caloocan ako bumuboto kaya matindi ang aking pagtataka kung bakit mayroon nang poll watchers si Echiverri, mayroon pa siyang mga poll watchers. Puro tao ni Recom ang nasa loob ng presinto na lalong nagpagulo ng sistema.

Maging ang mga senior citizens ay hindi nilagyan ng sariling lane kaya kahit sino na lang ay puwedeng sumingit na lalong nagpatagal sa mga botante.

May mga senior na mas malakas pa sa akin ang madalas ay pinauuna kahit santambak pa ang pila.

Ang agos ng pila pagkatapos makaboto ay sala-salabat. Mula sa pagkuha ng balota, pagsusubo sa makina at maging ang pag-thumb mark.

Bigo ang mga BEI na ipatupad ang pagpapa-eject sa isang batalyong watchers at marshall ng mga pulitiko na nagpadagdag pa sa gulo sa loob ng presinto.

At ang mga kakilala ng mga tao ng pulitiko na ito ang nagpapasingit ng mga kakilala nila samantalang kaming mga ordinaryong botante ay nakahanay sa mala-ahas na pila.

Nangamoy impakto na ako sa init subalit tiniis kong dumaan sa sistema at proseso subalit nilalamangan tayo ng mga kakilala ng mga watchers at marshalls. Partida, wala pang janitor du’n si Recom.

Kung ganito ang sistema natin hanggang sa bilangan, hindi nakapagtatakang magkakagulo-gulo ang sistema.

At nasaan ang PCCRV?

Okey rin naman dahil sila ang gabay ng mga nawawalang botante.

Pero hindi pa sila puwedeng umangas sa sandamukal na watchers at poll marshalls ng isang partikular na kandidato?

Hay buhay, Pinoy.

GIPITAN TALAGA KAHIT saang parte ng bansa.

Bombahan sa Mindanao area, akusahan ng vote-buying at kung anu-ano pang gimik ng mga kandidato.

Hindi natin alam kung saan hahantong ang ganitong kagulong sistema na parang hinalong kalamay.

Kakalungkot dahil bagama’t may sapat na panahon para ito’y mapaghandaan, hindi rin naging pulido.

Maraming makina ang pumalya at mga hindi naihatid sa tamang lugar kaya may mga deklarasyon na agad ng failure of election kahit alas-tres pa lang ng hapon.

Ang susunod na kaguluhan ay sa bilangan na importanteng tutukan dahil diyan na lalabas ang mga salamangkero’t salamengkara.

Malaking hamon ito para sa Comelec na patunayan na kaya nilang mamahala, na may integridad ang eleksiyon kahit sobrang gulo ng sistema.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.