Factory worker, hinigop ng makina

NAGMISTULANG GINILING NA karne ang katawan ng isang factory worker nang higupin ang buong katawan nito ng makina na kanyang nililinis sa pinapasukang pabrika ng sinulid sa Valenzuela City kamakalawa ng tanghali.

Base sa ipinadalang ulat ni PO3 Ronaldo Ruiz ng Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela Police, kinilala ang biktima na si Juanito Lajera, 49, may asawa, empleyado at naninirahan sa # 83 Bucal St., Lawa, Meycauayan, Bulacan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-12:30 ng tang-hali nang maganap ang insidente sa loob ng Artic Mop Yarn na matatagpuan sa # 381 Santiago St., San Diego, Veinte Reales ng nabanggit na lungsod kung saan ang may-ari ay isang Jerry Chua.

Sa pahayag ni Jose Lim, 50, kasamahan ng biktima, abala sila sa pag-lilinis ng kani-kaniyang makina na ino-operate sa loob ng nasabing pabrika ng sinulid.

“Bigla po akong nakarinig ng malakas na kalabog du’n sa makina na nililinis ni Juanito kaya dali-dali ko siyang pinuntahan,” sabi pa ni Jose.

Nagulat na lamang umano si Jose nang makita nito na patay na ang kasamahan at ang katawan ay nagkadurug-durog sanhi ng pagkakaipit sa dalawang rollers na bakal.

Nabatid na unang hinigop ng makina ang kaliwang braso ni Lajera hanggang sa mapasama ang katawan nito na nagmistulang giniling na karne.

Nananawagan sa may-ari ng pabrika ang mga kaanak ng biktima na sagutin nito ang lahat ng gastusin sa burol at pagpapalibing ni Lajera.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.