Pulandit: Ex-Rep. Ricky Sandoval, isinuka sa Navotas, tumakbo sa Malabon

“AKO ang nagtanim ang nagbayo at nagsaing, subalit nang maluto ay iba ang kumain.”

Popular ang linyang ito sa mga awitin noong panahong kasikatan ng kabukiran at mga kamalig na imbakan ng bigas matapos bayuhin. Karaniwan ay nagagamit pa itong kanta sa mga mala-High School Musical na Pinoy movies starring Sylvia La Torre, Delia Razon at mga kahanay nina Luis Gonzales o Jaime dela Rosa.

Kung magkakaroon ng remake ang mga ganitong uri ng pelikula, hindi puwedeng gumanap na bida si dating Malabon-Navotas Congressman Ricky Sandoval. Unang-una, hindi niya puwedeng awitin ang linya ng kantang ito dahil masagwa ang magiging dating.

Puwede siguro siyang kunin ni direk na gumanap pero kailangang baguhin ang linya. Ganito na ang magiging takbo ng kanta para sa kay Sandoval: “Ako ang nagtanim ang nagbayo at nagsaing, subalit nang maluto ay ako pa rin ang kumain!”

May pagkasuwapang ang dating ng lyrics pero walang puwedeng makipagdebate na bagay kay Sandoval ang linya.

Ang dahilan, si Sandoval ang main author ng House Bill No. 5500 na naghihiwalay sa Malabon City at Navotas City bilang tig-isang distrito.

Nang mapagtibay ang panukalang ito, naging isang ganap na batas sa pamamagitan ng Republic Act 9387 na nagtatakda sa Navotas bilang isang ganap na lungsod na epekto ay magiging isang distrito.

Dahil gustong makatikim sa kanyang isinaing, kumandidato si Sandoval bilang alkalde ng Navotas samantalang kanyang kapatid na si Alvin ay pinatakbo namang kongresista sa Malabon. Natalong alkalde si Ricky sa Navotas laban kay Mayor Tobby Tiangco at ang utol naman ay inalis ng House Electoral Tribunal at Supreme Court kapalit ni Rep. Jaye Lacson-Noel.

Ang latest development, si Ricky Sandoval na main author ng batas na ito ay kumakandidato ngayon bilang kongresista sa Malabon City matapos siyang isuka sa Navotas.

Ang dating ngayon sa mga taga-Malabon, panakip-butas sila ni Sandoval na humahanap ng masusulingan dahil binagyo siya ni Tiangco sa Navotas.

Ang kuwestiyon ngayon, dahil ba siya ang author ng Republic Act 9387 ay kailangan niyang suyurin ang Malabon at Navotas para lang makinabang sa ipinanukala niyang batas?

Sa legislative world, pinagbabawalan ang mga author na personal na makinabang sa kanilang mga ipinapanukala tulad halimbawa ng salary increase o kaya’y pagbibigay ng perks, additional incentives ng mga incumbents.

Hindi man siya kuwestiyong legal, may kuwestiyon naman sa moral dito. Iyon ay kung marunong mahiya ang taong tulad ni Sandoval.

“Kung sa puntong moral o kung delicadeza ang pag-uusapan, malinaw na in bad taste ito at halatang layunin lamang na i-perpetuate ang sariling interes,” statement ito ni  University of the Philippines political science professor Dr. Grace Jamon sa mga TV interview nang tanungin ang isyu ng pagsasamantala ng mga authors sa kanilang mga nilikhang distrito.

Hindi ko alam kung bakit nakakayanang humarap ni Sandoval sa mga taga-Malabon City na una niyang tinalikuran nang magtangka siyang maging alkalde ng Navotas.

Kung ang interest talaga niya ay ayusin lamang ang distrito ng Malabon at Navotas, dapat ay hindi siya kumandidato o sino man sa kanyang mga kamag-anak para makapag-iwan siya ng magandang legacy sa mamamayan.

Pero dahil patuloy silang nagtatangkang makapuwesto kahit inayawan na siya ng mga taga-Navotas, malaking kuwestiyon pa rin ang nakabalot sa kanyang sinseridad.

Hindi na rin ako magtataka kung bakit mahina siya ngayon sa Malabon City dahil alam ng mga mamamayan sa lungsod na spare tire lang  ang tingin sa kanila ni Sandoval.

Vulcanizing representative ang tawag d’yan.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion

loading...

3 thoughts on “Pulandit: Ex-Rep. Ricky Sandoval, isinuka sa Navotas, tumakbo sa Malabon

  1. anung napapala mo kung nanininira ka ng kapwa mo? kaya hnd umuunlad ang Pilipinas sa mga katulad mo. Sa tingin ko gusto lang tlga nya mag silbi sa mga tga malabon. Sa bagay mwawalan ka ng trbho pag hnd ka maninira ng mga tao.

  2. di kaya kasama ka s mga nabayaran para manira lng kay cong ricky dahil hangang ngayon malakas pa din siya sa mga mamamayan ng malabon kaysa sa kalaban niya…….

    • buti pa siya naghahangad na tumulong sa taga malabon hindi 2lad nyo na naninira sa mga taong nagmamahal sa malabon tulad ni cong ricky

Leave a Reply

Your email address will not be published.