Eva Bay: US-bound performer

Eva-BayBAGO DUMATING at nanalasa ang super-bagyong Yolanda noong nakaraang taon, isang mala-bagyo ring imbitasyon at offer ang dumating sa singer-host, stand-up comedian at impersonator na si Eva Bay (a.k.a. Julius Edward P. delos Santos). Inaanyayahan lang naman siya para magtrabaho sa isang comedy bar sa Estados Unidos.

Akala niya noong una, niloloko lang siya at pinasasakay ng mag-asawang Mylene at Melvin Rabara, may-ari ng PaYaSo, isang comedy bar sa San Francisco, California kaya hindi niya gaanong sineryoso. Iniisip niya kasi, mas higit na marami ang kilala at mahuhusay na performers kesa sa kanya sa Music Box na pinaglilingkuran niya mula pa noong 2008 at sa iba pang comedy bars na sikat, kaya bakit siya pa ang gustong kunin.

Gayunman, hindi umano siya tinantanan ng mag-asawa at ipinaliwanag sa kanya na siya lang sa bunton ng mga performers ang nakita nilang babagay sa kanilang bar para mag-host at magbigay-aliw sa kanilang mga kustomer. Aliw na aliw raw diumano ang mag-asawa sa mga video ni Eva na napanood nila kaya batid nilang magki-click din ito sa kanilang mga parukyano sa Amerika.

Isa pa, pang-international daw kasi ang peg nito pag nag-perform.

Kunsabagay, bukod sa pagiging komedyante, nagdudoble-kara pa siya dahil mahusay siyang kumanta. Kayang-kaya rin niyang i-impersonate ang mga kilalang singer na sina Lady Gaga, Celine Dion, Mariah Carey, Lani Misalucha, Jaya, Regine Velasquez at maging si Janno Gibbs! At nakikipagtalbugan din siya sa pagrampa sa mga modelo, huh?

Makalipas ang ilan pang linggong pangungumbinsi kay Eva ng mag-asawa, tuluyan na ring nagdesisyon ang all-around stage performer. Tinanggap na niya ang alok ng mga ito kaya ikinasa na ang grand opening ng nasabing bar sa darating na Marso at si Eva ang itatampok nila para sa espesyal na pagtatanghal.

Samantala, habang inaayos ni Eva ang mga kinakailangang papeles sa pagtulak sa Amerika, patuloy pa rin ang kabi-kabilang shows na nilalabasan niya. Bukod kasi sa regular siyang nagpe-perform sa FH Sing-Along Bar sa Sta. Mesa (Martes), Comikera Comedy Bar (Huwebes at Biyernes), Music Box (Sabado), tuwing Linggo, naghu-host siya at nagpe-perform sa iba’t ibang mall sa Kamaynilaan kasama ang Fabe Models.

Last Thursday lang, muli siyang nakipagsabayan sa biritan sa espesyal na pagtatanghal sa jampacked show nila ni Anton Diva Sa Comikera Comedy Bar at nakipagtagisan din sa pagpapatawa kay Ate Gay nang sumunod na araw.

Siyanga pala, ngayong buwan ng Pebrero, siya ang itatampok ng FABE Productions para sa kanilang pam-Valentines na handog, ang “Valentines with Eva Bay” na sinimulan na noong Linggo, Pebrero 2 sa Event Center ng SM City Marilao.  Susunod ay sa Pebrero 9 sa SM City Las Pinas kunsaan makakasama niya rin ang ilan pang mga kilalang performers sa entablado.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.