Euro Generals, pinakakasuhan ng Ombudsman

PINAKAKASUHAN NI Ombudsman Conchita Carpio Morales ang tinaguriang Euro Generals kaugnay ng maanomalyang paggamit ng P10-milyong intelligence/confidential funds ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang pagtungo sa Russia noong 2008.

Base sa 86-pahinang resolusyon na pirmado ng Ombudsman noong Marso 26, ipinag-uutos nito ang paghahain ng kasong kriminal sa Sandiganbayan laban kina retired P/Dir. Gen. Eliseo dela Paz, P/Dep. Dir. Gen. Emmanuel Carta, P/Dep. Dir. Gen. Ismael Rafanan, P/Dir. Romeo Ricardo, P/Dir. German Doria, P/Dir. Jaime Caringal, P/Chief Supt. Orlando Pestaño, P/ Sr. Supt. Tomas Rentoy III at P/Sr. Supt. Samuel Rodriguez.

Nahaharap sina Rentoy, Pestaño, at Rodriguez sa tatlong counts ng paglabag sa Art. 220 ng Revised Penal Code (Technical Malversation), tatlong counts ng Sec. 3(e), at isang count ng paglabag sa Sec. 3 (a) ng Republic Act (RA) No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Habang sina Dela Paz ay kinasuhan ng tatlong counts ng paglabag sa Art. 220 ng RPC, apat na counts ng paglabag sa Sec. 3(e), at isang count sa Sec. 3 (a) ng RA 3019 samantalang sina Carta, Rafanan, Doria, Caringal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 3(e) ng RA 3019.

Dalawang counts ng Sec. 3(e) ng RA 3019 ang kaso ni Ricardo. Bukod pa ito sa kanyang pagkakasama bilang akusado sa hiwalay na kaso noong 2011 sa Sandiganbayan laban kina Dela Paz para naman sa paglabag sa Art. 237 ng RPC (Prolonging the Performance of Duties and Powers).

Samantala, base sa resolusyon, may probable cause upang kasuhan ang mga nasabing opisyal ng PNP para sa kwestyunableng pagpapalabas at paggamit ng pondo sa pagtungo nila sa 77th Interpol General Assembly sa St. Petersburg, Russia.

Sa ngayon, ibinasura ng Ombudsman ang mga kaso laban kina dating Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno, retired P/Dir. Gen. Avelino Razon, Jr., P/Chief Supt. Joel Ma. Alvarez, retired P/Dep. Dir. Gen. Edgardo Acuña, P/Supt. Elmer Pelobello, retired P/Dir. Silverio Alarcio, Jr. at private respondents na sina Evita Caringal at Cynthia Versoza dahil sa kawalan ng probable cause.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.