Eula Valdez, napasugod sa PBB House dahil sa boyfriend na housemate!

Naku, matinding usap-usapan ngayon ang PBB Double Up. Hindi na nga mapigilan ang pagsirit sa ratings ng reality show na ito ng ABS-CBN dahil sa dami nang naeengganyo sa mga nagaganap sa loob ng bahay ni Kuya.

Malakas ngang pinag-uusapan ngayon ang love team sa loob na sina Melissa o mas kilala bilang Melay at ang tubong Mindoro na si Jason. Inaabangan ng marami gabi-gabi ang kanilang mga nakakikilig na moments lalo pa’t medyo nagtapat na sila ng kanilang mga damdamin sa isa’t isa. Maraming nagsasabi na medyo diskumpiyado sila sa tunay na nararamdaman ni Jason para kay Melay dahil tila hindi ito seryoso sa kanyang mga sinasabi. Bukod sa hindi na nga ito makatingin nang diretso kay Melay, e, lagi pang pabiro ang mga hirit nito. Pero malay natin, ‘di ba? Baka nga naman talagang meron nang namumuong “romance” sa kanilang dalawa.

Nagkaroon kami ng pagkakataong makausap ang ilan sa mga evicted housemates tulad nina Rob, Delio, Jimson at Patria, at pati sila ay big fans na rin ng Melason loveteam. Sila mismo na nakasama nina Melay at Jason sa loob ng bahay ay naniniwala na meron ngang pag-ibig sa kanilang dalawa.

Pero ito ang hot topic ngayon – ang pagbabalak ni Rocky Salumbides na mag-voluntary exit na dahil sa emotional rollercoaster na dinaranas nito sa loob ng bahay ni Kuya. Nami-miss na raw niya nang husto ang kanyang girlfriend na si Eula Valdez. Kaya naman bilang tugon dito, inimbitahan ni Kuya si Eula para makausap ito at marinig ang sentimyento ng kanyang boyfriend. Napahagulgol nang walang humpay si Eula sa mga binitawang salita ni Rocky dahil aminado ang aktres na nami-miss na rin niya ang kanyang dyowa. Pero sa interview nito kay Toni, sinabi nito na “Mas gugustuhin ko pa ‘yung ma-nominate siya kaysa sa mag-voluntary exit siya.”

Tama nga naman! Sayang ang opportunity na ibinigay sa kanya. Napakaraming taong gustong makapasok sa bahay ni Kuya at bilang napili sana, e, ‘wag niyang sayangin ang pagkakataong iyon.

Naku, ha? Marami pa raw kapana-panabik na eksenang matutunghayan sa PBB Double Up sa mga susunod na araw kaya tutok lang tayo!

In the spirit of Christmas, nagsagawa ng isang outreach program ang Us Girls kasama ang mga hosts na sina Iya Villania, Angel Aquino at Chesca Garcia-Kramer sa mga cancer kids patients ng Kythe Foundation sa UST Hospital noong December 2. Sa ikalawang taon ng kanilang outreach activity sa Kythe, nagdala ng mga laruan, regalo at pagkain ang mga hosts ng Us Girls para magbigay ng konting saya sa mga bata.

“Sobrang thankful kami dahil kahit papaano, e, nakahanap kami ng time at pagkakataon na makasama ang mga bata at mabigyan sila ng maagang Pamasko.” Sambit ng isa sa mga hosts na si Angel Aquino.

Mapapanood ang buong kuwento ng outreach activity na ito sa Linggo, sa Us Girls 7 P.M. sa Studio 23.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.