Estudyante, Todas sa Boga ng Tanod

ISANG 18-ANYOS na lalaki ang maagang namatay makaraan makaraang tamaan ng bala ng baril mula umano sa isang barangay tanod habang nagaganap ang isang rumble sa pagitan ng grupo ng suspek at ilang kabataan sa Caloocan kamakalawa ng gabi.

Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical hospital sanhi ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa kaliwang kilikili ang biktimang si Joel Sumande Jr., 18, binata, estudyante at residente ng # 178 Josefina St., 3rd Avenue, Brgy. 118 ng nabanggit na lungsod.

Mabilis namang tumakas ang suspek na nakilalang si Francisco Martinez, 42, may-asawa, barangay tanod at naninirahan sa # 23 BMBA Compound, 4th. Avenue, Caloocan City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Anthony N. Cruz, ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan City Police Station at may hawak ng kaso, bandang alas-11:00 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa malapit sa bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid na nakaupo ang biktima malapit sa bahay nito nang biglang sumiklab ang isang kaguluhan sa pagitan ng grupo ng suspek at ilang pasaway na kabataan kung saan ang mga ito ay nagbabatuhan ng bote sa bawat isa.

Ayon sa isang ayaw magpakilalang saksi, habang nagkakabatuhan ay biglang binunot ng suspek ang kanyang baril at sunud-sunod na nagpaputok ng baril hanggang sa tinamaan ang biktima.

Nang duguang humandusay ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima naman ay kaagad na dinala sa nasabing pagamutan kung saan nala-gutan ng hininga habang ginagamot.

Nagsasagawa naman ang Caloocan CIty Police ng paghahanap laban sa tumakas na suspek para papanagutin sa pagkamatay ng biktima.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.