Estudyante, Sugatan sa Ligaw na Bala sa Fun Run

SUGATAN ANG isang estudyante matapos tamaan ng ligaw na bala sa nangyaring palitan ng putok sa pagitan ng mga pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) at Philippine National Police (PNP) sa Gubat, Sorsogon.

Base sa report ng PNP-Gubat, kinilala ang biktimang si Lian Layug, 17-anyos at first year student ng Bicol University-Gubat campus.

Lumalabas sa ulat na sumama ang mga tauhan ng PNP sa fun run na inorganisa at nilahukan ng mga estudyante ng nasabing eskwelahan.

Subalit nang pabalik na ang mga lumahok sa bahagi ng Barangay Buenavista mula sa Barangay Rizal, bigla na lamang umano silang pinaulanan ng bala ng hindi pa mabilang na armadong kalalakihan.

Bunsod nito, gumanti naman ng putok ang mga alagad ng batas.

Tumagal nang halos limang minuto ang palitan ng putok ng dalawang grupo hanggang sa magsitakas ang mga salarin.

Bagama’t walang nasugatan sa panig ng pulisya, tinamaan naman ng ligaw na bala sa kanyang kanan at kaliwang paa si Layug na agad naisugod sa pagamutan.

Narekober sa crime scene ang 40 empty shell ng M16 rifle.

Nang magsagawa naman ng follow-up operation ang mga kinauukulan lulan ng kanilang PNP mobile, muli itong pinaulanan ng bala ng kalabang grupo na pinaniniwalaang nagkubli sa bulubunduking bahagi 100 metro mula sa national highway.

Wala namang nasugatan sa mga tauhan ng PNP subalit napinsala ang kanilang sasakyan.

Samantala, patuloy pa ang hot pursuit operation ng PNP para mahuli ang mga suspek.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.