Erpat ni Angelika dela Cruz, Inireklamo ng Panggugulpi at Pananakal

 

IPINAGHARAP NG REKLAMO si Barangay Chairman Ernesto Dela Cruz ng Barangay Longos, Malabon, at ama ng aktres na si Angelika dela Cruz, ng kanyang unang kagawad ng pananakit matapos ang isang mainitang pagtatalo sa isinagawang flag ceremony kamakalawa ng umaga sa nasabing lungsod.

Nananakit pa ang leeg nang magsadya sa himpilan ng pulisya upang magpa-blotter ang biktima na nakilalang si Kag. Honorio Secreto Alvarez Jr., 40, laban sa sa nasabing Brgy. Chairman.

Nabatid na bandang alas-9:45 ng umaga kamakalawa nang maganap ang nasabing insidente sa harapan ng Barangay Hall ng Longos.

Base sa pahayag ni Alvarez sa pulisya, kasalukuyan umanong isinasagawa ang kanilang flag ceremony nang bigla na lamang siyang lapitan ni Kap. Dela Cruz at simimulan siyang sakalin bago gulpihin sa hindi niya malamang kadahilanan na sa kanyang pagkabigla ay hindi niya nagawang makaporma.

Dahil dito, agad nagsadya sa Pagamutang Lungsod ng Malabon ang kagawad upang malapatan ng lunas bago nagtungo sa himpilan ng pulisya at ipinaalam ang nangyari.

Ngunit pinabulaanan naman ng kapitan ang akusasyon ng panggugulpi sabay pahayag na nahawakan lamang nito ng isang kamay sa leeg ang kagawad upang i-pagtanggol ang kanyang sarili matapos tangkaing sugurin ni Alvarez.

“Paano ko siya gugulpihin? Ang laking tao niya at ang liit kong lalaki!” pabiro pang pahayag ni Chairman Dela Cruz nang kapanayamin ng Pinoy Parazzi.

Giit nang kapitan, bago ang insidente ay nakita umano nito sa social networking site na Facebook (FB) na sinisiraan siya ng kagawad at pinagbabantaan pang itutumba base sa mga komento nito sa kanyang FB account.

Kasunod nito, agad namang inawat ng mga tanod ang dalawa saka pinaghiwalay, kung saan pilit pa umanong pumasok sa opisina ni Dela Cruz si Alvarez upang kumprontahin.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.