Erice, ibinulgar ang ‘garrison ng hapon’ sa Monumento Ni ROMAN MAGPOC

IBINULGAR NI VICE Mayor Edgar ‘Egay’ Erice ang iligal na pagtatayo ng tinawag niyang ‘Garrison ng Hapon’  sa Monumento, Caloocan para pagkakitaan ng ilang naliligaw na landas na opisyal ng Caloocan City Hall.

Ito’y mga istraktura na gawa sa pawid na ang disenyo ay katulad ng mga barracks ng hapon noong panahon ng giyera at nakakalat sa iba’t ibang lugar sa Monumento, partikular sa harap ng Araneta Mall.

Ang pagtatayo ng mga istrakturang ito, ayon sa bise-alkalde ay pagpapakita ng kawalan ng respeto sa Monumento na nag-ukit ng kasaysayan at nagpatanyag sa imahe ng Caloocan.

Mistulang basura ang mga ‘garrison’ na ito sa paligid ng Monumento na nadagdag pa ang nagkalat na sidewalk vendors na nagsisilbing harang o obstuction sa mga dumadaan na publiko, ayon pa kay Erice.

Ang mga nasabing ‘garrison’ ay ginagawang tindahan ng iba’t ibang produkto, na animo’y tiangge na nagiging dahilan umano ng araw-araw na problema sa trapiko at iba pang nangyayaring kaguluhan.

Ipinahayag ni Erice na hiniling na niya sa National Historical Institute na siyasatin at gumawa ng paraan para malinis ang lugar (Monumento), hindi lamang sa mga ‘garrison’ structucture na ito, kundi sa iba pang obstruction. Katulad aniya ng nagkalat ng vendors na nagiging ugat ng iba’t ibang kaguluhan.

Dahil sa mga vendors, nagkalat din ang snatchers na bumibiktima sa mga mamimili, ayon pa kay Erice.

Ibinulgar din ng pangalawang punong-lungsod na may mga taong nasa likod ng pagpapatayo ng mga ‘garrison’ na ito na sumisingil ng P30,000 kada istraktura bilang ‘royalty fee’ at P18,000 kada buwan bilang upa.

Ang mga taong ito ay ang nasa-likod din umano ng pagkalat ng illegal vendors sa Monumento na pinagbabayad din nila ng ‘tong’, bukod pa sa kaliwa’t kanang illegal terminals sa lugar.

Ipinahayag ni Erice na ‘multi-million tong racket’ ang namamayani sa paligid ng Monumento at ito ang dahilan kung bakit ang lugar ay ‘di malinis-linis sa mga ‘illegal’, dahil sa protection ng mga taong ito.

Pero sa kabila ng mga nangyayaring ito, walang ginagawa ang pamahalaan ni Enrico Echiverri para mabura ang mga ‘illegal’ dito at muling magningning ang makasaysayang lugar ng Monumento.

Dahil ‘di kumikilos, ipinahayag ni Erice sa Pinoy Parazzi na hinahamon niya  si Echiverri na pansamatalang mag-leave, kahit dalawang linggo lang.

“Pangako ko, malilinis ko ang Monumento.” Hamon ni Erice.

Matatandaang noong Agosto ng nakaraang taon, si Erice ay gumawa ng kasaysayan sa Caloocan nang kanyang linisin ang isang lugar sa Grace Park na matagal nang tambakan ng tone-toneladang bakal.

Dumaan ang maraming alkalde na ‘di nagawang ipatanggal ang mga bakal, subali’t nagawa ni Erice, ayon sa mga residente ng Grace Park.

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

One thought on “Erice, ibinulgar ang ‘garrison ng hapon’ sa Monumento Ni ROMAN MAGPOC

  1. asus magpoc e di lumabas na pala ang katotohanan na bayaran ka ni erice hehehe may ambisyon ba yan na palitan ung mayor nya? kaya pala panay banat mo sa caloocan eh meron kang amo.

Leave a Reply

Your email address will not be published.