Erap at Lim, nagka-personalan sa debate

NAGKA-PERSONALAN SINA dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at Manila Mayor Alfredo Lim kaugnay ng nalalapit nilang pagtatapat sa halalan sa Maynila.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagharap sa isang debate ang dalawang mayoral candidates sa programang “Umagang Kay Ganda” ng ABS-CBN kasama ang kani-kanilang tagasuporta.

Naungkat sa nasabing debate ang tunay na dahilan kung bakit sila naghiwalay sa pulitika.

Itinanggi ni Estrada na nagkasira sila dahil sa kontrata sa basura ng Maynila noon, bagkus ay binigyang-diin ang pag-iwan aniya ni Lim sa kanya noong EDSA 2 gayong siya ang nagtalaga rito bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pero depensa ni Lim, iniwan niya si Erap dahil pinagsamantalahan nito ang pera ng taumbayan.

Sunod namang binanggit ni Estrada ang aniya’y pagbisita pa sa kanya ni Lim noon sa Tanay upang humingi ng tawad, sabay ng hirit na makasama sa line-up ni Fernando Poe, Jr.

Buwelta naman ni Lim, gawa-gawa lang ni Erap ang pahayag dahil hindi siya kailanman iiyak sa isang magnanakaw.

At nauwi ang kanilang sagutan sa: Erap: Napa-kasinungaling mo! Lim: Ikaw ang sinungaling!

Nadawit din sa paghaharap ng dalawa ang kani-kanilang anak na umano’y nasangkot sa droga.

Sinabi ni Estrada na hindi sapat ang seguridad sa Maynila dahil anak mismo ng alkalde ang adik, pero napo-proteksyunan.

Inamin naman ni Lim na minsang nadawit sa droga ang anak, pero na-frame up lang aniya ito at ang anak ni Erap ang tunay na lulong sa droga at nambugbog pa ng babae.

Habang umiinit ang usapan, nagkahamunan pa sina Estrada at Lim.

Hinamon ni ni Lim na umatras si Erap kung maipakikita niya na ang birth certificate na nagsasaad na sa Maynila siya ipinanganak.

Sa huli, nagbatuhan na ng tanong sina Estrada at Lim.

Binigyang-diin rin ni Erap na ginawa niya ang lahat para sa mga mahihirap na Manileño noong Pangulo pa siya ng bansa kaya dapat siyang mahalal na bagong alkalde.

Samantala, tinawag pa niyang “Mr. Outgoing Mayor” si Lim, pero hindi naman nagpatalo ang huli.

Ipinagmalaki naman nito ang allowance ng mga guro at pulis na inumpisahan niya at iba pang programa na maaaring mahinto sakali aniyang mapalitan siya sa pagka-alkalde.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.