Enrile vs Lagman sa Cha-Cha, lalong umiinit

LALONG UMIINIT ANG ba-ngayan sa pagitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at House Minority Leader Edcel Lagman kaugnay ng proseso kung paano amyendahan ang Saligang Batas.

Nabatid na nagsimula ang bangayan sa pagitan nina Enrile at Lagman nang pinasaringan ng kongresista ang senador na ang 1935 Constitution ang tinutukoy nito nang paboran ang panukala na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng bicameral constituent assembly o hiwalay na pagbotohan ng Senado at Kamara ang Charter Change (Cha-Cha).

Buwelta ni Enrile sa kongresista, pinag-aaralan nito nang husto ang kasalukuyang Konstitusyon at katunayan, handa umano siyang humarap sa isang pampublikong debate.

Hinamon pa ng senador si Lagman na ituro kung alin sa probisyon ng 1987 Constitution ang nagsasaad na dapat gawin sa joint session ang botohan ng Senado at Kamara sa Cha-Cha.

“I have the 1935 Constitution with me and the ’73 Constitution and ’87 Constitution. When I opened my mouth, I’ve read those provisions. I read it, in fact, when I was interviewed. I will ask him if we reach the amendatory provision of the 1987 Constitution, where does it say that Congress will meet jointly? And that we have to vote jointly?” ayon kay Enrile.

Magugunitang sa ginanap na legislative summit nitong nakaraang linggo, nagkasundo ang liderato ng Senado at Kamara na isulong ang pag-amyenda sa ilang economic provisions ng Konstitusyon sa pamamagitan ng bicameral constituent assembly na siyang kinontra naman ni Lagman.

Pinuna ni Enrile ang mga kasamahang senador na kumukuwestiyon sa napagkasunduan sa legislative summit. Partikular na rito ang taga-minorya na sina Sen. Pia Cayetano at Joker Arroyo.

Ayon sa senador, dapat unawain ng minorya ang kanilang kinabibilangan bago kuwestyunin ang mga hakbang ng mayoriya.

Maliban dito, panukala lamang ang napagkasunduan sa legislative summit, kung saan isasalang pa ito sa debate sa plenaryo. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.