Engineer, Patay sa 3 Holdaper

PATAY ANG isang civil engineer matapos harangin, holdapin at sumpakin ang una habang sakay ng bangka sa Malabon City kamakalawa ng umaga.

Hindi na nadala sa pagamutan sanhi ng tama ng bala ng sumpak sa dibdib si Danilo Omamalin, 54, ng ZuluetaSst., Cabanatuan.

Sa ulat, dakong alas-7 ng umaga, sumakay ang biktima sa bangka ni Federico Florez, Jr., 24, sa Dampalit, Malabon City upang magpahatid sa Echo Shield Land Fill Development Corporation sa Salabao, Obando, Bulacan.

Hindi pa nakalalayo ay hinarang ng mga suspek na mga naka-bonnet sakay rin ng bangkang de-motor.

Habang nakatutok ang mga baril ay kinuha ng mga suspek ang knapsack na bag ng biktima na naglalaman ng mga gamit at hindi pa batid na halaga ng pera.

Bago tumakas ay isa sa mga suspek ang sumumpak sa biktima na naging dahilan upang dalhin ni Florez sa daungan ng Obando upang humingi ng tulong.

Inaalam na ng mga pulis kung sino ang mga suspek.

(MARY H. SAPICO)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.