Engine at chassis number ng bus na sangkot sa aksidente sa Mt. province, ‘di rehistrado

PATULOY ANG pagkakadiskubre sa mga paglabag sa batas ng bus company na sangkot sa nahulog na bus sa Bontoc, Mt. Province.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Winston Ginez na bukod sa pagiging kolorum, dahil sa kabit at kambal plaka, may nadiskubre pa aniya nitong kamakailan ang Land Transportation Office (LTO).

“Ang nakitang bus with certain engine number and chassis number, ito ay talagang walang rehistro. Sabi ng STRADCOM sa LTO, no database on record, no data on record,” ayon kay Ginez.

“Putok sa buho” aniya ang bus.

Una nang nabatid na hindi tugma ang engine at chassis number sa registration records ng plaka nitong TXT 872.

Oras na magparehistro, dapat irerehistro rin ang engine at chassis number nito sa mga rekord. Tututukan na aniya ito ng LTO.

Inihayag pa ni Ginez na imported man o ni-rebuild nila angang engine at chassis, hindi ito mababago kung pinarehistro nila ito dahil mistula itong “fingerprint” ng sasakyan.

Marami pang nakikitang paglabag ang Florida Bus tulad ng “cutting trip” ng mga drayber nito kung saan hindi nito sinusunod ang nasa rehistro nito.

Sinabi pa ng ahensiya na tuloy-tuloy ang pagsisiyasat sa tunay na dahilan ng aksidente sa tulong ng mga eksperto sa road transportation, at mga ahensya ng pamahalaan.

Pinag-aaralan din ng LTFRB ang kaparusahang ipapataw sa mga naturang bus line.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.