Empleyado ng Navotas City Hall, kulong sa pananaksak

KALABOSO ang isang empelyado ng Navotas City Hall matapos saksakin ang isang lalaki na umano’y nakaaway ng asawa ng una kahapon ng umaga sa Navotas City.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Navotas City Police ang suspek na nakilalang si Gonzalo Jovencio, 40, may-asawa, empleyado ng Navotas City Engineering Office at residente ng #40 Galicia St., Bgy. Bangkulasi ng nasabing lungsod.

Ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng tinamong tama ng saksak sa kanang tagiliran ang biktimang si Ramon Galicia, 39, binata, ng Virginia Bldg., Bgy. Tanza, Navotas City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:00 kahapon ng umaga nang maganap ng insidente sa kahabaan ng A.R. Cruz Tanza ng nasabing lungsod.

Nabatid na nakita umano ng suspek ang biktima at asawa nito (di-nagpabanggit ng pangalan) na nagsasagutan kung kaya’t lumapit ito para umawat subalit hindi ito nakapagpigil na bunutin ang sukbit na patalim at walang sabi-sabing sinaksak si Galicia.

Isang kaibigan ng biktima ang nagdala sa JRMMC upang lapatan ng lunas. Hindi naman nagawa pang makatakas ng suspek sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad. Nakuha kay Jovencio ang kutsilyo na may habang 9 na pulgada. (Mary H. Sapico)

Pinoy Parazzi News Service

Previous articlePhoto Oops: Wawa naman! (John Lloyd Cruz)
Next articleGladys Reyes, ‘di pa rin nagpatalo kay Judy Ann Santos!

No posts to display