Emergency power kontra power crisis, kinontra

SASABAYAN UMANO nang malaking kilos-protesta ng ilang cause-oriented groups ang gagawing oral arguments ng Korte Suprema hinggil sa nakabinbing kaso kontra sa nakaambang power-rate hike.

Binatikos din ng nasabing grupo ang mistulang pananakot umano ng mga power distribution companies na mahaharap sa malawakang power interuptions ang Luzon sakaling hindi maipatupad ang dagdag na singil sa kuryente.

Kinontra rin ng mga ito ang panawagan ng ilang kongresista na gawaran na ng “emergency powers” ang Pangulong Noynoy Aquino III  laban sa nakaambang krisis sa suplay ng kuryente.

Una nang ipinanukala ng ilang mambabatas ang pagbigay sa punong ehekutibo  ng “emergency powers” para maagapan ang posibleng power crisis.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, mahalagang mabigyan nang karagdagang kapangyarihan ang Pangulo para mapabilis ang pagpapatayo ng mga power plants.

Sinabi naman ni partylist Rep. Terry Ridon na dapat aniyang i-take-over na ng pamahalaan ang pamamahala sa lahat ng mga power utilities kapag patuloy na hindi makapagbibigay nang maganda at murang serbisyo ang mga ito sa publiko.

Una na ring tiniyak ni Energy Secretary Jericho Petilla na pinaghahandaan na rin ng Department of Energy (DOE) ang ilang solusyon sakalaing hindi pa rin mareresolba ang nasabing usapin ng power rate hike hanggang sa darating na summer season.

Inihayag ni Petilla na malabo umano ang posibilidad ng inaasahang rotational blackouts na una ng naging banta ng Manila Electric Company (Meralco).

Maging ang naturang  isyu sa pagitan ng Meralco at ng mga power producers ay kanila na ring kinokonsidera, dagdag pa nito.

Sakaling malabo aniyang masolusyunan ng Meralco at ng power producers ang pagbabayad sa generation charges ay saka na lamang papasok ang DOE sa nabanggit na usapin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.