Electrician, Dedo sa Maruming Kamay

MARUMING KAMAY ang naging sanhi umano ng pagkamatay ng isang electrician makaraang pag-uundayan ng saksak ng isa sa kanyang kainuman sa Bagong Barrio, Caloocan City kahapon ng umaga.

Namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng limang tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Reynaldo Olaybar, 47, electrician at naninirahan sa # 131 Naita Alley, Brgy. 152, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng mga operatiba ng Caloocan PNP ang sumaksak at nakapatay sa biktima na nakilalang si Joseph Padilla, 55 at isang Richard Bacunawa, 30, mga vendor at parehong residente ng # 13-C Palawan Alley, Brgy. 153, Bagong Barrio.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, bandang ala-1 ng umaga nang maganap ang nasabing pagpatay sa hagdang bato na matatagpuan sa bahay na may numerong 13-C.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima at dalawang suspek ay nakitang nagtatagayan nang biglang magkaroon ng isang mainitang pagtatalo sa pagitan nina Padilla at ang biktima.

Nagalit umano si Padilla nang kamayin ng maruming kamay ng biktima ang kanilang pulutang kalderetang kambing.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ng dalawa, biglang binunot ni Padilla ang kanyang patalim at limang beses na inundayan ng saksak ang biktima at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas ang dalawang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.