El ladron y el pendejo!

HINDI KO LUBOS na maintindihan kung bakit bulag si President Noynoy Aquino sa mga ginagawang katiwalian ng kanyang mga tauhan.

Sa kabilang banda, kung ugaling Pilipino ang pagbabatayan, hindi masisisi si PNoy dahil hindi puwedeng basta na lang ilalaglag niya ang isang kaibigan na pinagkakautangan niya ng loob at napakahaba na ng panahon ng kanilang pinagsamahan.

Sa kaso halimbawa ni DILG Undersecretary Rico E. Puno, mahigit dalawang dekada na rin silang matalik na magkaibigan ni PNoy. At noong panahon ng nakaraang eleksiyon, bumuhos din ng todo-suporta si Puno sa kampanya ni Noynoy.

Kaya kung ikaw si Noynoy, maaatim mo bang hiyain ang isang tunay na kaibigan tulad ni Puno at sisibakin mo siya dahil lamang sa maraming nagsasabing sangkot siya sa katiwalian?

Pero ang labis-labis na hindi ko talaga maintindihan ay mismong si Puno na nga ang boluntaryong nagpahayag na siya ay magbibitiw na sa puwesto – para hindi na mabagabag si PNoy kung ano ang gagawin niyang desisyon para sa kanyang bestfriend at hindi na makompromiso ang kanilang pagkakaibigan – ngunit ayaw siyang payagan ni PNoy.

Ang tanong ngayon, ano ba ang mas mahalaga kay PNoy, ang isang tunay na kaibigan o ang taong bayan?

Maraming mga opisyal ng PNP na aking mga nakakausap na nagpahayag ng kanilang pagdududa sa pagkatao ni Puno at ang sinseridad ng taong ito sa pagsisilbi sa pamahalaan tungo sa matuwid na daan. Ilan pa nga sa kanila ang nanunumpa sa ibabaw ng hukay ng kanilang mga yumaong ama na si Puno umano ay tiwali.

Matatandaan na una ko nang isiniwalat sa espasyong ito, ilang buwan na ang nakararaan, ang pagkakasangkot umano ni Puno at ng kanyang mga tauhan sa DILG sa pagbibigay-proteksiyon at pangungulekta ng tong sa Jueteng. Kasabay noon, kinausap ko sa telepono si DILG Secretary Jesse Robredo at ipinarating ko sa kanya ang nasabing katiwalian.

ANO ITONG BALITA na nasagap ng inyong SHOOTING RANGE mula sa isang sniper na ginamit lamang daw si retired Archbishop Oscar Cruz ng isang grupo sa Jueteng expose para mabulabog ang gobyerno at mapatigil ang operasyon ng mga kasalukuyang operator ng nasabing iligal na sugal.

And when the smoke is clear, isang bagong grupo daw ang sisibol na siyang magkokontrol ng kabuuang Jueteng sa bansa. Ayon pa sa sniper, ang bagong Jueteng mafia na ito ay magkakaroon ng bansag na Pares de Alas (pair of aces) dahil sa magkapareho ang Apelyido ng dalawang pangunahing miyembro ng grupong ito.

Ang godfather daw ng grupo ay isang nagngangalang Tony Boy. Ang magiging underboss umano ni Tony Boy ay isang nagngangalang Bobby. Ang dalawa ay magka-Apelyido at magkamag-anak na rin daw.

Ang tatayo naman daw bilang undertaker ng dalawang magka-apelyidong mga boss na ito ay isang nagngangalang Vic Z.

Ang operasyon daw ng grupo, dagdag pa ng sniper, ay magsisimula sa katapusan ng Nobyembre at itataon sa panahon, kung kailan nakatuon ang atensiyon ng halos lahat sa paghahanda sa Kapaskuhan.

Manood ng OPLAN ZERO TAMBAY sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:30 pm. Makinig din sa WANTED SA RADYO tuwing 2:00-4:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes sa DZXL, 558 kHz.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.